Kumalat nitong mga nakaraang araw ang #BringBackMarcos sa Twitter. Umabot sa higit sa 150,000 ang tweets na gumamit ng hashtag, kaya nagrereklamo ang mga tagasuporta ng pamilya ng diktador na bakit hindi ibinalita ng midya ang “trending” na ito.
May dahilan kung bakit hindi itinuring na news worthy ito. Ang maikling paliwanag: may pandaraya sa umano’y pagkalat ng nasabing maka-Marcos na hashtag.
Ipapaliwanag ko:
Nakasanayan nang ibinabalita ng midya ang mga “trending” at “viral” na usapin sa social media. Nang naging viral ang community pantries sa social media, binigyan ito ng news organizations ng karampatang air time o coverage. Nang nag-trend ang #IbalikAngABSCBN, inireport din ito ng mga tagapagbalita.
Ito ay dahil karamihan sa nagiging viral ay nagpapakita ng tunay na pulso ng masa na mga netizen o ng mga taong may access sa social media.
Manipulado at pilit
Hindi ganito ang kaso ng #BringBackMarcos. Mahirap sabihin na kumakatawan ang trending hashtag na ito sa sigaw ng bayan dahil may pilit at manipulado ang paggamit ng hashtag sa Twitter.
Ipinakita ito ng Twitter user na si Ivan Balingit, na nagbigay-permiso na gamitin ng Rappler ang posts niya sa artikulong ito.
Tiningnan niya ang mga account na gumamit ng nasabing hashtag, at lumabas na karamihan ng mga ito ay bago at kagagawa lamang ngayong 2021.
Tiningnan niya rin ang mga account na ginawa lamang ngayong 2021, at karamihan ay ginawa lamang ngayong Oktubre at noong Hunyo.
Ikinumpara niya ito sa mga account na gumamit ng #LetLeniLead, at nakita niya ang malaking kaibahan: ang mga ito ay gawa sa iba’t ibang taon, mula 2010 hanggang 2021.
Ano ang ibig sabihin? Ang mga account na nagpakalat ng #BringBackMarcos ay binuo lamang ngayong mag-eeleksiyon para magtulak ng ilusyon na nagte-trend ang pro-Marcos na hashtag. Samantala, ang mga account na gumamit ng #LetLeniLead ay malamang na tunay na account ng mga tunay na taong dati nang sumusuporta sa Bise Presidente.
Pag-isipan: Kung totoong maraming sumusuporta kay Ferdinanad “Bongbong” Marcos Jr., bakit kailangan gumawa ng mga pekeng followers sa social media?
Sa social media, hindi na bagong balita kung gaano kadali manipulahin ang mga hashtags gamit ang fake accounts at trolls. (READ: Networked propaganda: How the Marcoses are rewriting history)
Sa katunayan, marami nang naisulat ang Rappler kung paano hinahayaan ng Facebook, Youtube, at iba pang mga social media networks ang paglaganap ng disinformation networks sa kanilang platforms. Kadalasan, ginagamit ang disinformation network para magpalaganap ng mga kasinungalingan at binaluktot na kuwento para makapanlinlang ng mga tao.
Ano ang dapat ibalita?
Ang nakakatawa ay ginamit pa ang pekeng trend na ito para atakihin ang mga midya. Hindi raw namin ito ibinalita.
We are in the business of truth-telling. Ang binabalita lang namin ay ang mga bagay na totoo at tunay (true and authentic) – at hindi ganoon ang #BringBackMarcos.
Kailangang tukuyin natin ang mga ganitong linya – hindi lang dahil malisosyo at nakaangkla ang mga ito sa huwad na impormasyon, gusto rin nilang masira ang tiwala ng publiko sa midya para mawala na ang nagbubunyag ng mga kasinungalingan nila.
Ngayong mag-eeleksiyon, mag-ingat sa mapanghati at huwad na kuwentong katulad nito. Doon lamang tayo sa totoo. #BreakTheTrend. – Rappler.com