Kumusta ka? Kakaiba na ang ingay ng social media ngayon, ’no? Marahil dahil nagsimula na ang pagmobilisa para sa darating na 2022 elections. Hindi naman ito nakakagulat, pero hindi ibig sabihin ay palalampasin lang natin ang online attacks na ating nakikita. Sa lingguhang artikulong ito, ililista namin ang ilang trending online attacks, at magmumungkahi rin kami ng mga maaari ninyong gawin para banggain ang mga pag-atakeng ito.
Aba, lalayo pa ba tayo? Madaling araw ng October 23 ay trending ang #RapplerFakeNews sa Twitter.
May tatlong dahilan:
Pangungutya ni Anthony Taberna kay Maria Ressa
Sa Instagram Live ni Anthony Taberna na naka-post din sa Twitter mula kay user @acho_gerald, pakutyang binati ng broadcaster co-founder at CEO ng Rappler na si Maria Ressa sa pagkatanggap nito ng Nobel Peace Prize. Karapat-dapat umanong makuha ni Ressa ang Nobel dahil maaaring ang isa sa basehan ng prestihiyosong award ay ang pagkakaroon ng galit kay Pangulong Rodrigo Duterte at ang pagpapakalat ng kasinungalingan tungkol sa Filipinas.
- #BreakTheTrend:“Speaking truth to power” – ang sitahin ang nasa kapangyarihan sa ngalan ng katotohanan at katarungan – ang isa sa mga misyon at katungkulan ng mga taga-Rappler. Hindi kasinungalingan ang mga balitang nagsisiwalat ng pang-aabuso, pagmamalabis, katiwalian, at mga mali sa gobyerno. Layunin ng mga ito na panagutin ang may kapangyarihan, at itama ang kanilang pamamahala. ipaalam sa mga tao ang mga dapat ituwid. Kung matatandaan sa isang interview ni Ressa kay Duterte noong 2016, si Duterte pa mismo ang nanghimok sa mga Filipino na magsalita para isiwalat ang mga baluktot sa ating sistema. Sumunod lang naman ang Rappler, pero bakit parang kasalanan namin?
Pagsupalpal ng Oxford Philippines Society kay Bongbong Marcos
Nang maglabas ng opisyal na pahayag ang Oxford Philippines Society tungkol sa pekeng college degree ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., isa sa pinagkuhanan nila ng impormasyon ay ang artikulo ng Rappler noong 2015. Dahil dito, pinalalabas ng mga sumusuporta kay Marcos Jr. na walang kredibilidad ang Oxford Philippines Society. Umabot pa nga sa punto na kinuwestiyon nila ang komposisyon ng mga miyembro ng organisasyon. Ang totoo, ang Oxford Philippines Society ay samahan ng mga Filipinong nag-aaral sa Oxford University – ang website nila ay extension ng official na domain ng unibersidad.
- #BreakTheTrend: 2015 pa lamang ay isiniwalat na ni Marites Vitug sa kanyang investigative report na hindi nakapagtapos si Ferdinand Marcos Jr. sa Oxford University. Kinumpirma ito ng spokesperson ng Oxford na si Clare Woodcock. Totoong nag-enroll si Marcos Jr. sa Oxford, pero hindi siya nakapagtapos. Taliwas ito sa impormasyon na inilagay ni Marcos Jr. sa kanyang profile page sa opisyal na website ng Senado. Ang isyu ay hindi kung nakapagtapos ng pag-aaral o hindi ang isang kandidato. Ang isyu ay ang pagsisinungaling sa taumbayan tungkol dito. Kung ang school credentials pa lang ay pinapalitan na, paano pa kaya mga tala ng kasaysayan tungkol sa pang-aabuso at pagnanakaw ng rehimeng Marcos?
EduRank: Kabilang sa 100 Notable Alumni ng Oxford si Marcos Jr.
Naglipana sa social media ang impormasyon mula sa EduRank na kabilang sa 100 Notable Alumni ng Oxford si Marcos Jr. Dahil itinuturing ng listahan na alumnus ang anak ng yumaong diktador, isinasampal ito ng ilang netizens sa Rappler – ibig sabihin daw ay fake news ang imbestigasyon namin 2015.
- #BreakTheTrend: Ano nga ba muna ang EduRank? Ayon sa NetNatives, “EduRank ranks the performance metrics of universities’ website and social media profiles (including Facebook, Twitter, Instagram, YouTube, LinkedIn and more) to enable marketing teams to identify great digital activity, highlight areas for improvement, and benchmark their activity against their competitors.”
- Nag-email pa mismo sa EduRank ang Facebook user na si Israelbelle Ferolino para itanong ang kanilang naging proseso. Ayon sa EduRank.org team, ang “alumni” ay hindi nangangahulugang “graduate” ng isang unibersidad. Totoo naman – kahit ang mga diksiyonaryo ay nagsasabing basta nakapasok ka sa isang paaralan, kahit hindi ka nakapagtapos, ay tatawagin kang alumnus.
- Dagdag pa ng EduRank, ang listahan nila ng notable alumni ay nakabase sa kasikatan ng Wikipedia profiles ng mga “alumni.” So, notable naman pala kasi…sa Wikipedia. Uulitin ko, karapatan ng bawat Filipino na tumakbo bilang pangulo, pero sana hindi nagsisinungaling, ’di ba?
#BreakTheTrend Challenge
Siyempre, we can only do so much. Kakaunti lang kami sa Rappler na maaaring mag-fact-check. Kaya naman, may magagawa ka rin kung nais mong ipa-fact-check ang ilang kahina-hinalang mga post sa social media. Suriin nang mabuti ang mga nakikitang trending. Kanino o saan galing ang impormasyon? Nasuri ba nila ang impormasyon bago ito i-post? Maaari rin kayong mag-email ng screenshot at link ng mga kahina-hinalang post sa email address na ito: factcheck@rappler.com.
Gusto natin lahat ng pagbabago, pero ang pagbabago ay dapat magsimula sa mamamayan. Tayo dapat ang unang magtuwid sa mga kasinungalingang nakikita natin. Hindi dahil trending, maraming likes at shares, ito na ang katotohanan. Walang ibang bersiyon ang katotohanan. Karaniwan itong ayaw marinig at pilit na binabaluktot o binubura ng mga personalidad na gustong magbago ng imahen. Huwag magpabiktima sa disinformation o fake news. #BreakTheTrend. – Rappler.com