Punong-puno ang internet ngayon ng mga maling impormasyon. Makikita mo sila sa nakababahalang posts ng iyong mga kaibigan at kaduda-dudang messages na ipinapadala ng iyong pamilya.
Napakadaling maging biktima ng fake news lalo na kung paulit-ulit mo silang nakakasalubong sa ‘yong newsfeed. Idagdag mo pa kapag mayroon silang napakataas na engagement. Viral e, baká totoo?
Bilang isang mamamahayag-estudyante, isa ito sa aking mga naging pinakamabigat na pasanin – paano nga ba lalabanan ang paglaganap ng fake news at trolls na nagpapalala rito?
Noon, kapag may mga “anti-vaxxers” o taong nagpapakalat ng maling impormasyon laban sa mga bakuna sa loob ng group chats na kinabibilangan ko, dali-dali akong nagli-leave.
Akala ko solusyon ang agarang pag-iwas at pagputol ng koneksyon. Ngunit napag-alaman kong isa pala dapat sa mga una nating hakbang upang magtagumpay ay ang pagkalimot sa pagiging makasarili.
Ang fact checking ay isa uri ng paglilingkod at pag-abot sa mga taong pinipiringan ng kasinungalingan. Hayaan n’yong ibahagi ko ngayon ang ilan sa mga aral na aking natutunan bilang isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler.
Punan ang sarili ng mga bagong kaalaman
Napakalaking tulong ng mga libreng webinar na halos linggo-linggong isinasagawa ng MovePH, ang civic engagement arm ng Rappler.
Dahil sa pagdalo ko sa mga talakayan na ito, nabuksan ang aking isipan sa ilang mga katotahanan gaya na lamang ng kasalukuyang kalagayan ng information ecosystem sa Filipinas at kahalagahan ng pagkakaroon ng inisyatiba sa pagsusuri at pagtatama ng mga impormasyon o fact checking.
Importante na maglaan tayo ng sapat na oras sa pananaliksik, pagbabasa, pakikinig, at pag-aaral patungkol sa Media and Information Literacy.
Sa katunayan, ngayong Nobyembre, mayroon muling webinar series ang MovePH na may pamagat na “Digital Media, Technology and Society” na gaganapin t’wing Sabado. Kayá naman mag-register na!
Itama ang proseso sa pagtatama ng maling impormasyon
Natutunan ko rin sa fact-checking mentorship program na hindi pala basta-basta na isinasagawa ang pagtatama ng mga maling impormasyon.
Hindi lang pala ito simpleng paglalahad ng katotohanan, sinasamahan ito ng pagiging mabusisi at maingat.
Isa sa mga halimbawa nito ay ang hindi na dapat nating pagshe-share ng isang fake news na pina-fact check natin, dahil mas mataas ang posibilidad na dumiretso ang ating mga kaibigan at pamilya sa mismong post o link at ikalat pa rin ito.
Sa una pa lang, mahalagang masiguro natin na hindi na maipakalat pa ang maling impormasyon habang tinatama natin ito.
Ihanda ang lakas ng loob sa pag-atake ng trolls
“Magpa-factcheck ka na lang ang bobo mo pa.”
“You’re also a cheap journalist wanna be. shame on you… what do you expect from CAVSU?”
Ilan lamang ‘yan sa mga mensahe na aking natanggap mula sa mga bigla-biglang nagsulputang Facebook account na nag-iwan ng komento sa aking wall. Ito ay matapos kong maisulat ang isang fact check article patungkol sa Bangui Windmills.
Mapalad ako dahil maalaga ang team ng Rappler — sanay at handa sila sa mga ganitong sitwasyon.
Tatlong hakbang lamang ang sinusundan ko sa t’wing makatatanggap ng mga nasabing hate messages: ilista o i-screenshot ang kanilang pangalan, i-report, at i-block.
Hindi dapat nating ginugugol ang ating oras at panahon sa trolls dahil trabaho nila mismo na galitin o pukawin ang ating emosyon. Kapag nagpadala tayo rito, magtatagumpay sila.
Ngunit sa ilang pagkakataon, maaari rin naman tayong sumagot sa trolls. Siguraduhin lang na mahinahon at malinaw ang ating pagpapaliwanag, hindi lang para sa kanila, kundi para rin sa ibang users na makababasa ng komento.
Ginagawa natin ito upang ating maitama ang naratibo na kanilang ipinapakat, dahil nagiging sobrang mapanganib ang isang kasinungalingan kapag pinaulit-ulit ito nang hindi tinatama.
Sa huli, ang pagtindig laban sa mga kumakalat na maling impormasyon at trolls ay hindi lamang dapat natin iniaasa sa news media oufits na nagsasagawa ng fact-checking. May papel na gingampanan dito ang bawat mamamayan.
Nakasalalay rito ang ating demokrasya kaya marapat lamang din na harapin natin ang isyung ito nang kolektibo at magkakasama.
Maging kritikal sa pag-iisip, komunsulta sa mga mapagkakatiwalaang eksperto o institusyon, at palaging isipin ang maaaring kahinatnan ng ating mga desisyon— mapa offline man o online. Naniniwala ako na hangga’t may pumapanig sa katotohanan, magagawa nating maisalba ang kinabukasan ng ating bayan. – Rappler.com
Si Mark Vincent Tolibao ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler at kasalukuyang kumukuha ng BA Journalism sa Cavite State University.