Nabubuhay kang hindi tanggap. Ito na marahil ang pinakamasakit at pinakamahirap na pakiramdam na kailangang maranasan at nararanasan sa kasalukuyan ng mga miyembro ng LGBTQ+ community. Ang mga “transgender women,” halimbawa, na kahit anong gawin nilang pagpapakababae ay itinuturing pa rin silang mga lalaki, o di kaya ay mga “babaeng may lawit” sa lingguwahe ng mga hindi makaintindi at makatanggap sa kanilang pagkakakilanlan.
Isa ito sa mga namutawi sa kuwento nina Jea, JB, Rio, Andrei at Harley, mga transgender women mula Taguig City tungkol sa kanilang mga karansan sa diskriminasyon sa paaralan at sa kanilang trabaho. Pakinggan natin sila.
JB, 20
“Kapag nag-o-online class kami, sinasabihan ako ng teacher ko na, ‘Ang haba na naman ng buhok mo.’ Kailangan ko na raw magpagupit, ganyan. At ‘pag nangyayari ‘yun, nawawalan talaga ako ng gana. Parang gusto ko na lang tapusin ‘yung session at hindi na mag-focus doon sa lesson. Sa school kasi namin, public school, bawal talaga ang mahabang buhok sa mga lalaki. Tapos kahit online na nga lang kami nagkikita, bawal pa rin. Bawal din mag-makeup. Ano bang problema sa buhok ko? May konek ba siya sa pag-aaral ko? Bakit ako laging napapansin? Ako ba ‘yung lesson of the day? Sa public school kasi, ganoon talaga. Pero tinitiis ko na lang kasi hindi ko rin naman kayang mag-aral sa private school, eh. Doon kasi, mas tanggap. Tinitiis ko kasi pangarap talaga ng pamilya ko na makapagtapos ako at ayaw ko naman silang biguin. Saka part kasi ako ng student council, kaya kailangan kong sumunod at maging role model sa ibang students. Pero para sa akin kasi, hindi kailanman mali ang pag-e-express ng sarili sa kung papaano mo man gusto. Kasi ikaw ‘yan eh, at ‘yan ang gusto mo. Mahirap, pero wala akong magawa.”
Rio, 27
“’Yung mga nakaraan kong trabaho, okay naman sila sa mga bakla, pero pagdating sa pananamit, doon sila mahigpit. Sumusunod na lang ako kasi kung hindi, mawawalan ako ng trabaho. Masakit kasi wala kang magawa. Kailangan mo lang sumunod. May isang beses din, kwinestyon ang kasarian ko noong nag-a-apply ako bilang utility sa isang kumpanya. Sabi nila sa ‘kin, kailangan daw maikli ang buhok. Tapos dapat daw hindi ako doon sa CR ng babae maglilinis kasi baka matakot ‘yung mga nagsi-CR, kasi lalaki daw ako. Baka daw masilipan ko sila ‘pag nagbibihis. Tapos sinagot ko ‘yung HR. Sabi ko, ang trabaho ko dito maglinis, hindi para manilip. At saka, ‘Babae po ako,’ sabi ko talaga sa kanya. Sabi pa noong isa, ‘Okay lang naman sa akin, pero baka sa iba kasi hindi.’ After a week, tinawagan ako and sabi, tanggap daw ako. Natauhan siguro. Pero hindi na ‘ko pumunta. Hindi ko maatim ‘yung ganoong pagtrato nila sa mga kagaya namin. Tapos nag-apply ako sa isang call center company and natuwa ako kasi natanggap ako kaagad. Kinuha ako base sa kakayahan ko at hindi sa kasarian ko. Masaya ako dahil doon. Doon ko na-realize na may mga tumatanggap pa rin pala sa amin.”
Harly, 23
“Nagsi-CR po kasi ako sa babae. Napagsabihan kami na ‘wag daw doon mag-CR. Nakakahiya daw saka nakaka-conscious, kasi nakikita ko raw sila nagbibihis. Doon ako sa CR ng babae nagsi-CR, kasi feeling ko, mas safe ako doon at saka babae naman kasi ako. Ang sakit lang sa feeling na sabihan na ‘Lalaki ka pa rin’ at ”Di ka dapat doon mag-CR.’ Nakaka-down siya. Nakaka-depress siya kasi ang haba na ng buhok mo, tapos may suso ka na pero tingin pa rin nila sa ‘yo, lalake. Babae na may lawit. Ang sakit lang po. Tapos gugupitan ka pa para lang makapasok sa trabaho. Bakit kailangan kong baguhin ‘yung sarili ko para makapasok. Sa trabaho namin, ‘pag nalaman nilang bakla ka, idi-discriminate ka talaga nila. Sasabihin nila, ‘Pagbuhatin ‘nyo ‘yan, lalaki naman yan eh.’ Siyempre masakit pero ako, dedma lang. Umaalis ako sa puwesto na ‘yun para lang maiwasan sila. Pero ako, nagbubuhat po talaga ako ng mga sako-sako kasi kaya ko naman eh. Ginagawa ko lang trabaho ko.”
Jea, 24
“Sa school kasi talaga namin, bawal ang mga transgender [people]. Na-experience ko talaga ‘yung sisitahin ka ng guard dahil may makeup ka tapos bibigyan ka ng panyo tapos pupunasan mo sa harap niya. Siyempre nakakahiya ‘yun, tapos tatakbo na lang ako sa room para umiyak, kasi napahiya ako eh. So sabi namin ng mga kasama ko doong trans, parang ‘di namin deserve ‘yung ganitong treatment. Dahil matigas ulo namin, chinallenge namin ‘yung policy na ‘yun at nagbuo kami ng sarili naming organisasyon sa loob ng paaralan. We felt na kailangan naming ipaglaban ‘yung mga karapatan namin kasi maling-mali talaga ‘yung treatment sa amin eh. We just want to freely express ourselves. Natutuwa ako kasi hanggang ngayon, ‘yung organisasyon na binuo namin, tuloy-tuloy pa rin siya. ‘Yung mga transgender students doon, puwede na silang pumasok na mahaba ang buhok, naka-makeup at nakaka-proud ‘yun, kasi iba talaga ‘yung pakiramdam pag nae-express mo freely ‘yung sarili mo, eh. Ang saya lang na ngayon ay nagagwa na nila ‘yung gusto nila. Tapos, masaya din ako kasi nilu-look-up ako ng mga mas bata sa akin. Nakakatuwang malaman na mayroon din pala akong nai-inspire na tao.”
Andrei, 23
“Fortunate ako kasi sa amin, puwedeng magpahaba ng buhok. Tapos may sarili kaming CR. Puwede kaming magsuot ng kung anong gusto naming isuot. Fortunate ako kasi nabigyan ako ng chance na i-enjoy ‘yung sarili ko, tapos makakilala ng mga katulad ko rin na pareho ang nararamdaman sa eskwelahang iyon. Tanggap nila ang mga katulad namin pero nalulungkot na hindi lahat ng katulad namin ay may ganoong experience. Hindi nararanasan ng mga kaibigan kong trans ‘yung nararanasan ko. Hindi ko ma-imagine kung ano ang pakiramdam, pero alam kong mahirap. Mahirap mabuhay ‘pag ‘di ka tanggap.”
Ang mga karanasang ito nina Jea, JB, Rio, Andrei, at Harley ay naging mahirap hindi lang sa kanilang pag-aaral at trabaho, kung hindi sa pagsasabuhay ng kanilang pagkakakilanlan o kasarian bilang mga transgender women. Sa likod ng mga karanasang ito ay mga pangarap na ninanais nilang matupad.
“Gusto ko pong maging model. Mahilig kasi akong mag-model-model. Gusto ko ‘yung pakiramdam na kinukuhanan ako. Gusto ko ‘yung nakaka-engganyo ako ng tao tapos nai-inspire ko sila na kahit ano ka pa, kahit transgender ka pa, kaya mong maging maganda, kaya mong maging model. Gusto ko maging proud sila sa mga sarili nila regardless kung ano man sila o kung anuman itsura nila.” – JB
“Gusto ko talagang maging team leader, kasi mahilig ako mamuno. O ‘di kaya naman, maging influencer para madami akong ma-inspire. Gusto ko kasi ‘yung ganoon, ‘yung madaming tumitingala sa ‘yo. Gusto kong mag-iwan na mahalagang mark sa mundong ito. Gusto kong maalala ako dahil sa kung sino ako at sa kung anong nagawa ko. Gusto ko talagang maging inspirasyon sa iba.” – Rio
“Gusto kong pasukin ‘yung gaming industry. Gusto ko po talagang magtapos ng computer science; nahuhumaling po kasi ako sa pagsi-stream. Papatunayan ko po sa mundo na hindi lang po lalaki, babae ang nagse-streaming, kaya din po ng mga trans. Gusto ko pong iangat ‘yung community namin sa industry na ito.” – Harly
“Um, maging teacher. Nakakatuwa kasi na may mga taong natututo sa ‘yo. At tsaka na-imagine ko na, naka-makeup ako, mahaba ang buhok ko habang nagtuturo. Ang saya lang niya isipin tapos maraming kang nai-impluwensiyahan. Tuturuan mo ‘yung mga estudyante mo tungkol sa SOGIE para paglaki nila, fully aware na sila sa mga bagay na ganito and hindi sila mangdi-discriminate ng kapwa nila.” – Jea
“Pangarap ko pong maging fashion designer. Na-inspire kasi ako kay ate Jea sa mga drawings niya. Noong nakita ko ‘yung mga gawa niya, naiinggit talaga ako. Kaso dahil broken family kami, at hindi ko sigurado kung susuportahan ng mga kapatid ko yung pag-aaral ko. Baka mag-ibang landas muna ako para makaipon. Saka ‘yung mama ko lang ang bumubuhay sa amin, tapos ngayon, nawalan pa ng work. Mahirap kasi makaipon sa pagde-design eh. Pero pagka nagkaroon ako ng oportunidad para tuparin ang pangarap kong ‘to, iga-grab ko talaga.” – Andrei
– Rappler.com
Edgar Bagasol is a development worker in an HIV-focused NGO. One of their stakeholders are the transgender people. In his line of work, he was exposed to the glaring discrimination against the LGBTQ+ community. Bagasol wrote this piece because he wanted to amplify and empower the LGBTQ+ community by giving them a platform to be seen and heard.
This piece was originally published on kuwentoph.wixsite.com.