Quantcast
Channel: MovePH
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3375

Mga kababaihang nagpipinta ng pakikibaka

$
0
0

Tuwing Marso, nagpupugay ang buong mundo sa mga kababaihan. Madalas, may mga parada at programa ang mga lokal na pamahalaan. Minsan, namimigay ang mga institusyon ng T-shirts na lila, kulay na sumisimbulo sa kababaihan.

Ngunit sa kabila ng pagpapahalaga sa mga sakripisyo ng nanay, pagsasabing kayang gawin ng babae ang mga ginagawa ng lalaki, at paglilista ng mga unang babaeng presidente at unang babaeng piloto, nakakalimutan ng mga tao ang mga babaeng manggagawa’t magbubukid. 

Noong ika-4 ng Marso, dumalo ako sa unang pagkakataon kasama ang iba pang volunteers ng Rural Women Advocates (RUWA) sa mural-making kasama ang Amihan at Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo o SAKA.

Naging makabuluhan ang araw na ito para sa akin dahil ang aming ginawa ay pagkilala sa kababaihang kumikilos para sa tunay na reporma sa lupa at nagsusulong sa karapatan sa pagkain at ayuda. 

Layon ng aktibidad na kilalanin ang kontribusyon ng kababaihang magbubukid sa ekonomiya, agrikultura, at pagsisiguro sa ating pang-araw-araw na pagkain. Ang gawaing ito ay isa ring panawagan na mabigyan ng P15,000 production support at P10,000 cash assistance ang lahat ng magsasakang naapektuhan ng pandemya.

Tulung-tulong kaming nag-trace, nagpinta, at bumuo ng mga imahen ng kababaihang magsasaka.

Pagbabalik-loob sa masa

Nakilala ko si Je Malazarte, isang mag-aaral ng Fine Arts. Siya ang gumuhit ng ilang portraits na aming inilapat sa mas malaking canvas.

Kabilang sa portraits na ito ang isang babaeng nangunguna sa community kitchen, isang babaeng naggagapas ng palay, isang babaeng dumadalo sa kilos-protesta, at isang portrait ni Amanda Echanis, isang organisador ng mga babaeng magbubukid at kasalukuyang nakakulong kasama ang kanyang apat na buwang sanggol.

BABAENG NAKIKIBAKA. Bitbit ang mga portrait na iginuhit ni Malazarte, nagtungo ang SAKA at RUWA sa Mendiola bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Women’s Month noong Marso 8, 2021.
Kuha ng RUWA/Amihan

Ipinapakita ng mga ilustrasyon ang mga tungkulin ng kababaihan sa komunidad – nangunguna sa community kitchen, nagiging bahagi ng mga gawaing pang-agrikultura, at nagsisilbing ilaw ng tahanan. Lahat ng ito ay nararapat na kilalanin katulad ng ginagawa sa high-paying jobs. 

“Through simple depiction, the hopes of amplifying the demands, stories, and names of these women in rural communities may open continuous discussion of their struggles and encourage actions in support of them,” ayon kay Je.

Ayon kay Je, malapit ang loob niya sa sektor ng mga magsasaka dahil ito ang pangunahing kabuhayan ng kanyang pamilya at ilang kamag-anak. Napatigil ang kanyang karanasan kaugnay ng sektor na ito noong lumipat ang kanyang pamilya sa lungsod, ngunit alam niyang hindi ito ang magiging dahilan para maputol ang kanyang emosyonal na koneksiyon sa mga magbubukid.

Habang siya’y tumatanda, mas nagiging mulat siya sa pagkaapi ng mga magsasaka at ibang sektor ng lipunan.

Nang una siyang naging miyembro ng RUWA, hindi sigurado si Je sa magiging parte niya sa organisasyon. Duda pa siya sa kanyang kakayahan. “I am still in the process of finding my voice as an artist and reconstructing myself,” aniya.

Pagkilala sa kababaihan sa kabila ng duda

Kagaya ni Je, may mga duda rin ako sa aking sarili. Pero dahil sa kakayahan na meron kami, hindi namin hinayaan na maging hadlang ang mga duda upang gawin namin ang mga bagay hindi para sa aming mga sarili kundi para sa mga tao sa aming paligid.

IMAHEN NG NAKIKIBAKA. Pinipintahan ng mga kasapi ng SAKA at RUWA ang mga larawang dinasto mula sa guhit ng isang volunteer ng SAKA.
Kuha ng National Federation of Peasant Women – Amihan.

Nag-umpisa kaming ilapat ang orihinal na larawan na iginuhit ni Je sa canvas habang naka-project sa dingding ang digital image nito. Nakasanayan na ng SAKA ang prosesong ito kapag mayroon silang kolektibong mural-making.

PAGPIPINTA. Nagtulung-tulong ang mga kasapi ng RUWA sa pagdadasto sa canvas ng digital image ng kababaihan noong Marso 4, 2021
Kuha ng Rural Women Advocates

Noong inabot sa akin ang lapis, nakaramdam ako ng kaba dahil hindi naman ako sanay makilahok sa mga aktibidad na nagpipinta at gumuguhit. 

Ang tanging tumatakbo lamang sa aking isipan noon ay, “Paano kung tumagal ang proseso nila sa pagpipinta dahil hindi ko ito nagawa nang maayos?”

Hindi ko hinayaan na manguna ang pangamba ko. Nilakasan ko ang aking loob, kinuha ko ang lapis, at nagsimulang tumulong sa paglipat ng larawan sa canvas. Kanya-kanya kami ng puwesto upang mailipat nang pulido ang larawan. Habang tumatagal kami sa aming ginagawa, mas nagiging komportable ako sa aking pagguhit. 

Bukod-tangi ang talento sa pagguhit at pagpinta ng mga kababaihang aking kasama. Habang kami ay gumuguhit, mayroon na ring naghahalo ng mga pintura upang makapagsimula na ang iba. Mayroong mga nakapuwesto sa sahig, nakasandal sa pader, nasa labas, at nakapatong sa mesa ang canvas – halos magkakasabay ding nagsimula sa pagpinta. 

Nakakatuwa na makita ang kababaihan at ibang kalalakihan na nagtulong-tulong upang mabigyang buhay ang mga mukha na nakaguhit sa canvas. Hindi iniinda ang tuluy-tuloy ang paggawa, halos buong araw na nakaupo sa sahig ang iba. 

Ang aming ginawa ay ginamit sa “Babae, Babawi!” benefit gig at binitbit sa Women’s March noong Marso 8.

‘BABAE, BABAWI: A Tribute to the Women Whose Struggle Will Seize Back Our Land’ noong Marso 6, 2021.
Kuha ng Rural Women Advocates
MARTSA. Iba’t ibang organisasyon ang dumalo sa martsa mula España hanggang Mendiola sa Manila bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Women’s Day noong Marso 8, 2021.
Kuha ng RUWA/Amihan

Naging masaya ako sa aktibidad na ito dahil kahit may mga duda sa sarili ay hindi ko naramdamang baguhan ako sa aking ginawa. Ipinaramdam ng mga kasamahan ko na hindi ko kailangan maging eksperto o magaling sa isang bagay para magawa ko ito. Hindi sila nagdalawang isip na tumulong kung merong kailangang ayusin.

Nagkaroon kami ng mas malinaw na perspektibo sa tulong ng mga organisadong pagkilos. Kagaya ni Je, naging inspirasyon namin ang mga taong nakasalamuha namin upang gumawa ng sining na nagsasabuhay ng mga karanasan ng magbubukid.

Nakita ko ang dedikasyon ng bawat isa, ang kanila puso para sa pagpaparating ng mga panawagan ng mga kababaihan. Hindi madali ang aming ginawa, nakakangawit at nangangailangan ng tiyaga. Dito ko napatunayang walang mahirap at nakakapagod na gawain basta sama-sama ang kababaihan para sa iisang layunin. – Rappler.com

Si Nica Bongco ay dating social worker at ngayon ay miyembro ng Rural Women Advocates. Mahalaga para sa kanya ang makisalamuha sa komunidad, at layunin niyang makapagbahagi ng kanyang mga karanasan.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3375

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>