Habang abala ang marami sa pag-ungkat sa buhay ni Lola Eudocia at kung paano siya inalipin nang ilang dekada ng kapwa Pilipino, libu-libong kasambahay naman ang kasalukuyang nakararanas ng hindi patas at hindi makataong pagtrato sa Hong Kong.
Marami sa mga tinaguriang domestic helpers (DH) na mga Pilipino at iba pang migranteng domestic workers (MWD) sa Hong Kong, kung hindi sa kusina o sa banyo, sa cabinet o sa bodega pinatutulog ng kanilang mga amo.
Tinatayang 200,000 MWD ang walang sariling kwarto, o 'di kaya'y ginagamit din ang kanilang tulugan bilang sampayan, bodega, labahan, opisina, o kwarto ng hayop.
Maling Akala
Si Sarah, 34 taong gulang, nagbakasakali lang sa Hong Kong matapos ang 7 taong pagtatrabaho sa Qatar, pero maling-mali ang kanyang akala.
"Ginawa nila akong hayop. Buti nga ang hayop, nakakakain," kwento ni Sarah.
Enero lang siya dumating sa Hong Kong, pero inalat ang akala niyang swerte na sana. Dito siya pinatulog ng kanyang amo: sa gilid ng washing machine.
Iyon na raw ang pinakamahabang dalawa't kalahating buwan ng buhay niya. Gigising siya nang 6 nang umaga at matatapos ang kanyang trabaho nang alas-dos ng madaling-araw kinabukasan.
Hanggang sa minsang na nahilo raw siya dahil sa pagod, at matapos ang araw-araw na 3 oras lang na pagtulog. Apat na tahi ang nakuha niya matapos mabagok ang kanyang ulo sa sahig.
Kung may konsolasyon, mas mapalad si Sarah dahil wala na siya sa kanyang amo na minsan pa siyang binato ng baso matapos manghingi ng pagkain. Nasa isang shelter na siya ngayon sa Hong Kong habang hinihintay ang resulta ng isinampa niyang kaso laban sa abusado niyang amo.
'Di makatao
Pero lubhang maraming kasambahay sa Hong Kong ang nagtitiis sa hindi makataong pagtrato.
Iyan ang lumabas sa isang malawakang survey na isinagawa sa Hong Kong ng non-governmental organization na Mission for Migrant Workers noong huling quarter ng 2016 hanggang nitong Enero.
Umabot sa 3,075 ang mga respondent o lumahok sa survey, kung saan halos kalahati'y mga Pilipino na kasambahay sa Kowloon City, Central, at Western District. Mga Indonesian naman ang kumumpleto sa lampas kalahati ng mga na-survey, kung saan 98% ang mga babae.
"'Yung findings talaga ng aming research, na-validate yung aming mga hyphothesis and assumption yung widespread talaga yung mga problem," sabi ni Norman Carnay Uy sa isang panayam ng SubSelfie.com.
Program Coordinator ng Mission for Migrant Workers si Norman at siyang nanguna para sa pag-aaral na Picture from the Inside: Investigating Living Accomodation of Migrant Domestic Workers Towards Advocacy and Action.
Sa huling tala ng Commission on Overseas Fiipinos, halos 200,000 Pilipino ang nasa Hong Kong noong 2013 – isa pa rin sa mga pangunahing destinasyon ng mga OFW kung saan marami ang DH.
Sinlaki ng banyo
Sa Hong Kong, Pilipino man o ibang lahing kasambahay, mapalad na ang may privacy sa kanilang sariling kwarto, na karaniwang sinlaki lamang ng banyo sa mga fastfood sa Maynila.
Ang iba kasi, sa cabinet sa ibabaw ng refrigerator ginawan ng kwarto.
Kusina na rin ang nagsisilbing kwarto ng ilang kasambahay.
Ang sofa na ito, pahingahan at tulugan na rin matapos ang halos 11-16 na oras na trabaho araw-araw.
Sampayan din ang kwarto ng ilang kasambahay sa Hong Kong.
Ang iba, sa laundry room na nananaginip, kapiling ang mga washing machine.
Pero ang malala, ang ibang kasambahay, sa bodega pinapatulog ng kanilang mga amo.
Ang nasa larawan, dati raw kwarto ng isang Pilipinong kasambahay na nakauwi na sa Pilipinas matapos ireklamo ang kanyang amo. Sa kasamaang-palad, kinatigan ng korte ang apela ng employer dahil air-conditioned naman daw ang bodega.
'Modern-day slavery'
Ayon sa Mission for Migrant Workers, ang mga ganitong klaseng pabahay sa mga manggagawa'y malinaw na delikado para sa kalusugan, hindi makatao, at malinaw na paglabag sa ilalim ng Standard Employment Contract ng Hong Kong.
"Sabi nga namin, modern-day slavery talaga ito," kwento ni Norman.
Pero tila talagang mababait ang maraming Pilipino. Para sa ilang Pilipinong nakausap nila Norman, tanggap na raw nilang ganoon ang kanilang kwarto at pamumuhay basta't maayos ang pakikitungo sa kanila ng kanilang mga amo.
Apat hanggang 5 ang karaniwang bilang ng miyembro ng pamilyang pinagsisilbihan ng isang MDW sa Hong Kong.
Sa pag-aaral pa rin ng grupo, 3 sa bawat 5, 'di bababa sa 11 oras kung magsilbi sa isang araw, habang 2 sa bawat 5 MDW naman ay lampas sa 16 na oras kung magtrabaho.
Hapong-hapo na nga sa maghapong pagbabanat ng buto, wala pang maayos na tulugan.
Gaya na lang ni Mia, 32 taong gulang, bagong salta lang din sa Hong Kong nitong Enero, gaya ni Sarah.
Sa loob ng 3.5 buwan, itong uwang na ito sa pagitan ng kama at ng kuna ng alaga niyang bata ang nagsilbing pahingahan sa gabi ni Mia.
"Feeling ko nasa ataul ako sa haba at laki ng tinutulugan ko. Tinatapakan din ako kapag pabanyo ang mga bata at kapag tsine-check ng employers ko ang mga anak nila," kwento ni Mia.
Laking kaba niya ngayon lalo't sa Mayo 30 na lalabas ang resulta sa isinampa niyang kaso laban sa kanyang amo. Nito lang Mayo umalis siya sa kanyang unang employer matapos umano ang hindi maayos na pagtrato sa kanya.
Baon sa utang dahil sa laki ng binayarang agency fee, at ngayong walang trabaho, lubhang nag-aalala si Mia para sa kanyang pamilya sa Benguet.
Sabi ni Mia sa SubSelfie,com: "Inaalala ko ang aking 4 na anak, ang kanilang schooling. San kami kukuha nang pang-tuition, school supplies, shoes at uniform? Kahit public school kasi ay may mga bayarin din."
Laking pasalamat nina Mia at Sara na tinutulungan sila ngayon ng mga kapwa Filipino sa Hong Kong. Pansamantala, nakikisilong at inaalagaan sila sa Bethune House.
'Walang choice'
Pero marami pang Pilipino ang nagtitiis sa hirap at pang-aabuso sa pagiging DH sa Hong Kong.
Kwento ng isang hindi na pinangalanang MDW na lumahok sa survey: "Wala kaming choice. Natatakot ako sa mga katrabaho ng employer ko, kasi lalaki 'yung ilan sa kanila. Kaya hindi talaga ko komportable at hindi talaga ko natutulog 'pag nag-oovertime sila. Kulang ang tulog ko."
Malaking hamon umano talaga para sa mga kasambahay sa Hong Kong ang live-in arrangements o sapilitang pagpapatira sa kasambahay ng bahay ng kanilang amo, ayon sa grupong Mission for Migrant Workers.
Kwento ni Norman, nagsimula ang live-in arrangements noong 2003 matapos paghinalaan ang maraming MDW na ilegal diumanong rumaraket. Pero sabi ni Norman, walang malinaw na basehan ang naging kautusan – na kanilang nilalabanan sa loob ng mahigit isang dekada.
Mayroon naman daw kautusan ang gobyerno ng Hong Kong para mabigyan ng disenteng tuluyan ang mga kasambahay doon, pero malabo ang ilang terms at walang pangil ang batas, dagdag niya.
Malayo pa nga raw ito sa international standards gaya sa Jordan, Ireland, Austria at Canada. Sabi sa pag-aaral ng grupo, dapat tumupad ang Hong Kong sa niratipika na nitong Convention on the Elimination of all Forms of Discrimination Against Women.
Sa kasalukuyan, pumapatak daw sa P20,000 ang buwanang sweldo ng mga MDW sa Hong Kong – halagang malayong kitain ng marami rito sa Pilipinas.
Marami sa mga DH, gusto mang magreklamo sa kanilang kondisyon at laban sa pang-aabuso ng kanilang mga amo, hindi nila magawa.
"Ang laging dilemma ng mga migrant worker: should I fight for my right, or should I just go home at makipagsapalaran na lang ulit in another country?" saad ni Norman.
'Makauwi na sana'
Kung susumahin, lampas kalahati ng mga maituturing na mga yaya sa Hong Kong, pawang mga Pilipino – silang mga tagapag-alaga para patuloy na umikot ang ekonomiya ng nasabing teritoryo.
"Bakit nagtitiis? Eh wala naman silang option. They can't go back home, unless magkaroon sila ng disenteng kabuhayan na magbibigay ng nakabubuhay na sahod para sa pamilya nila."
Si Sarah, binibilang na lang ang araw sa Hong Kong dahil mapapaso na rin ang kanyang visa kasabay ng resolusyon sa kanyang kaso. Makauwi na raw sana siya sa Pilipinas.
"Sana may regular na work sa 'Pinas at suweldong sapat nang mabuhay ang pamilya namin, at walang discriminasyon sa age at sa pinag-aralan para wala na pong mga Pilipinong mapilitan iwan ang aming pamilya," pangarap ni Sarah. – Rappler.com
Toni Tiemsin is SubSelfie.com‘s EIC. After his 5-year stint in GMA News producing and writing investigative reports, feature segments, scripts for various newscasts, and hourly and breaking-news programs, he is now with Ogilvy & Mather. Previously, he was in the development sector working as Media and Communications Officer of children’s rights group Save the Children.
This story was republished with permission from SubSelfie.com.