MANILA, Philippines – Naghain panukala si Quezon City 4th District Councilor Irene Belmonte na gawing “carless” ang Tomas Morato Avenue – inisyatibang suportado ni Mayor Joy Belmonte.
Para makalikom ng mga opinyon at sentimyento tungkol sa panukala, magtutulungan ang Quezon City Council at ang Rappler sa pagkonsulta sa mga mamamayan.
Magkakaroon ng virtual public consultations sa Rappler Communities app, at ilan dito ay kasabay ng in-person consultations na may patnubay ng opisina ni Councilor Belmonte.
Narito ang mga dapat pang malaman tungkol sa partnership na ito.
Paano ang proseso ng virtual consultation?
Ang virtual consultations ay binubuo ng apat na online sessions – bawat isa ay tinatayang magtatagal ng isa’t kalahating oras. Dalawa sa sessions na ito ay nakalaan para sa mga residente, empleyado, manggagawa, at business owners sa mga barangay sa Tomas Morato Avenue. Ang dalawang session naman ay bubuksan para sa publiko.
Gaganapin ang mga ito mula Hulyo hanggang Agosto 2024.
Paano malalaman ang mga petsa at iba pang detalye ng consultation?
Lahat ng nais makilahok sa sessions, residente man ng Tomas Morato o mula sa publiko, ay kinakailangang sumali sa Tomas Morato Consultation chat room sa Rappler Communities app.
Para mabuksan ang chat room, i-download ang app nang libre mula sa App Store o Play Store. I-scan ang QR code sa ibaba. Maaari rin itong buksan sa desktop.
Matapos i-download ang app, gumawa ng Rappler account sa pamamagitan ng pag-register ng iyong email at paggawa ng sariling password at account username. Pagkatapos mag-log in gamit ang iyong account, pindutin ang Community tab sa ibabang bahagi ng screen, at hanapin ang chat room na may logong ganito:
Iaanunsiyo sa chat room na ito ang mga petsa at oras ng sessions. Sa chat room na ito, maaari ring magbigay ng komento at puna ang mga mamamayan tungkol sa app habang isinasagawa ang virtual sessions.
Ano’ng mangyayari sa virtual consultation sessions?
Ang virtual sessions ay gaganapin sa aiDialogue platform ng Rappler. Ang link patungo sa platapormang ito ay maaaring makita sa Tomas Morato Consultation chat room. Lahat ng kalahok ay maaaring makapasok sa aiDialogue gamit ang account details na ginamit nila sa pag-log in sa Rappler Communities app.
Maaaring pumasok nang sabay-sabay ang hanggang 100 kalahok sa bawat session. Kahit sino mula sa kahit na anong lugar ay puwedeng sumali, gamit ang kanilang mobile phone o laptop, basta may sapat at mabilis na internet.
Lahat ng kalahok ay makakatanggap ng limang katanungan tungkol sa “People-friendly Tomas Morato Avenue” proposal. Si Rai, ang AI bot na magpapatakbo ng virtual session, ay magbibigay ng mga follow-up na katanungan mula sa mga isasagot ng kalahok.
Sa bawat tanong, magpapadala si Rai ng buod ng lahat ng isinagot ng kalahok sa ilalim ng katanungang iyon.
Bukod pa kay Rai, mayroon ding Rappler staff na papasok sa session para tulungan ang mga kalahok.
Maaari ring gamitin ang Tomas Morato Consultation chat room para makipag-ugnayan sa Rappler staff at ipaabot ang mga tanong habang ginaganap ang session.
Ano’ng wika ang gagamitin sa virtual consultation?
Filipino ang pangunahing wikang gagamitin sa mga session para maunawaan ng mas nakararami. Ngunit maaari pa ring sumagot ang ilang kalahok sa Ingles kung dito sila mas komportable. Ano mang wika ang gamitin, mauunawaan at maisasalin ito ni Rai.
Malalaman ba ang identidad ko kung lalahok ako sa chat?
Hindi. Mananatiling “anonymous” ang lahat ng kalahok, at hindi rin malalaman ang iyong tunay na pangalan. Sa bawat session ay bibigyan ka ng unique na avatar at pangalan hango sa isang hayop. Bilang suporta sa data privacy, pumirma ang Rappler at ang opisina ni Councilor Belmonte ng isang data privacy agreement para masigurong hindi lalabas ang iyong personal na impormasyon.
Paano makakalahok sa konsultasyon ang mga walang gadgets at internet?
Magkakaroon ng isang in-person meeting para sa nagtitinda, tsuper, informal settlers, at iba pang residente ng taga-Tomas Morato at mga kalapit na kalye. Sa in-person meeting na ito, maglalaan ang Quezon City government ng gadgets at Wi-Fi para sa mga kalahok. Mayroon ding ilang Rappler staff at boluntaryo na tutulong kung sakaling may katanungan ang ilan tungkol sa app.
Para maipaalam ito sa mga indibiduwal na hindi aktibo sa social media, makikipagtulungan ang Rappler sa Quezon City government upang ibahagi ang balita sa mga komunidad na malapit sa Tomas Morato Avenue.
Paano ko malalaman ang resulta ng virtual consultations?
Maglalabas ang Rappler ng isang report tungkol sa mga resulta ng virtual consultations. Pormal din namin itong ipepresenta sa Quezon City Council. Asahan na lahat ng updates pagkatapos ng virtual sessions ay matatagpuan sa Tomas Morato Consultation chat room.
Paano ako makakatulong?
Mas mainam kung sama-sama tayong kikilos at magsasalita para sa ating komunidad. Ibahagi ang artikulong ito para makatulong na ipalaganap ang balita tungkol sa virtual public consultation. Imbitahan din ang mga kakilala na sumali sa Tomas Morato Consultation chat room.
Maging bahagi ng inisyatibang ito na naglalayong isulong ang aktibong pakikilahok ng publiko sa mahahalagang isyu at sa pagpapabuti sa mga serbisyo ng pamahalaan. Magkita-kita tayo sa mga virtual session! – Rappler.com
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng Make Manila Liveable, isang kampanya na naglalayong pag-usapan at pabutihin ang kalidad ng buhay sa bawat siyudad sa Pilipinas. Naniniwala kami na maaari itong mangyari sa pamamagitan ng pag-uugnay sa hinaing ng mga ordinaryong mamamayan at sa lokal na pamahalaan. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa #MakeManilaLiveable, bisitahin ang page na ito.
Marami pang chat rooms sa Rappler Communities na maaari mong salihan para sa civic participation. Sumali sa Voter Hotline chat room, na kasalukuyang pinatatakbo ng Commission on Elections. Sumali sa BikeWalkPH chat room para makibahagi sa aming proyekto na maghanap ng mga lugar na dapat ayusin para sa mga siklista at komyuter. Gamitin natin ang teknolohiya at boses ng mamamayan para sa pagbabago.