MANILA, Philippines – Nagsanib-puwersa ang #FactsFirstPH, ABKD (Akademiya at Bayan Kontra Disimpormasyon at Dayaan) Network, Tanggol Kasaysayan, Project Gunita, Pitik Bulag at Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission (HRVVMC) para sa isang kampanya ng pagprotekta sa kasaysayan at katotohanan ngayong Agosto, Buwan ng Kasaysayan sa Pilipinas.
Layon ng kampanyang #SaysayNgKasaysayan na labanan ang disimpormasyon sa social media, lalo na ang mga may kaugnayan sa kasaysayan.
Ang ABKD Network, Tanggol Kasaysayan, at Project Gunita ay binubuo ng mga guro at estudyante ng kasaysayan mula sa iba’t ibang pamantasan sa Pilipinas. Samantala, ang Pitik Bulag ay isang kolektibo ng mga mangguguhit; habang ang Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission (HRVVMC) ay ang ahensya ng pamahalaan na may mandatong pangalagaan ang alaala ng mga naging biktima ng Martial Law.
Gintong anibersaryo ng Martial Law
Sa Setyembre 21, gugunitain ang ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa ilalim ng yumaong pangulong Ferdinand Marcos, at nataon sa pagkakabalik ng kanyang pamilya sa Malacañang.
Bago pa ito, maraming kasinungalingan tungkol sa administrasyon ng matandang Marcos ang kumalat sa social media, katulad ng Tallano Gold, Pilipinas bilang dating kaharian ng Maharlika, ang golden age ng ekonomiya, ang nutribun, at marami pang iba.
Bilang paggunita sa mga tunay na naganap sa ilalim ng diktadura, inilatag ng mga grupo ang iba’t ibang aktibidad mula Agosto hanggang katapusan ng Setyembre.
ABKD Network
Inilunsad ng ABKD Network at mga mag-aaral mula sa isang klase ng National Service Training Program-College of Arts and Letters (NSTP-CAL) ng University of the Philippines Diliman ang elektronikong aklat pambata na Martial Law ABCs nitong Agosto 5. Layunin ng e-book na ito na mas maipaunawa sa mga kabataan ang mahahalagang naganap noong panahon ng Batas Militar.
Ayon sa lead convenor ng ABKD Network na si Propesor Francisco Jayme Paolo Guiang ng UP Diliman, “Mahalaga ang kolaborasyon ng ABKD at mga mag-aaral sa NSTP-CAL dahil pangunahing layunin ng Martial Law ABCs na ipaalam sa mas nakababatang henerasyon ang masalimuot na kasaysayan ng Batas Militar noong 1970s hanggang 1980s at ang pakikibaka ng mga Pilipino upang pabagsakin ang diktadura.”
Ayon naman kay Propesor Jose Monfred Sy ng UP Diliman, guro ng mga mag-aaral sa NSTP-CAL, “Ang aklat pambata na ito ay isang malikhaing paraan upang labanan ang iba’t ibang porma ng disimpormasyon at distorsiyon sa kasaysayan na naglipana sa mga social media platforms.”
Sa Agosto 11-12 naman gaganapin ang “Martial Law @ 50,” ang taunang pagtitipon ng CONTEND UP (Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy). Pag-uusapan ang madilim na bahagi ng kasaysayan noong Martial Law at susuriin kung paano muling nakabalik ang mga Marcos sa kapangyarihan. Ang CONTEND UP ay kabilang sa ABKD Network na binubuo ng mga guro at kawani ng mga unibersidad.
Manunumbalik ang regular na fact checks ng ABKD Network na kanilang ibinabahagi sa kanilang Lighthouse site, Facebook page, at Twitter account. Gamit ang comic strips at TikTok videos simula nang ilunsad ang #FactsFirstPH noong Enero 2022, nakalikha ang ABKD Network ng halos 200 na materyal upang banggain ang iba’t ibang uri ng disimpormasyon.
@abkd_ph FACT-CHECK: TALLANO GOLD #bbm #election2022 #factcheck #learnontiktok #kasaysayan #fyp ♬ original sound – ABKD
Tanggol Kasaysayan
Bilang tugon sa komento ng direktor ng pelikulang Maid in Malacañang na hindi umano propesyon ang gawain ng mga historyador, tanong ni Professor Francis Geologo, na lead convenor ng Tanggol Kasaysayan: “Anong klaseng lipunan ang gustong buuin ng ganitong mapanganib na kaisipan? Isang lipunang walang kasaysayan? Isang bayan na binaluklot ang ang katotohanan?”
Inilunsad ng grupo ang “SingkwentAkda,” isang 50-day online countdown na nagsimula nitong Agosto 3 at nagtatampok ng iba’t ibang sipi mula sa mga librong tumatalakay sa Martial Law. Patuloy ang pagbabahagi ng mga siping ito sa Facebook page ng Tanggol Kasaysayan hanggang Setyembre 21.
Nakalatag din ang paglunsad ng isang libro tungkol sa Martial Law sa darating na Setyembre 23. Sa pamamagitan ng isang webinar, ipaliliwanag ng mga patnugot at awtor ang kanilang naging proseso sa pagsaliksik at ang kanilang mga natagpuang impormasyon tungkol sa diktadura.
Project Gunita
Pagkatapos ng dalawang buwan ng pag-aarkibo, inilunsad ng Project Gunita ang digital archives nito noong Hulyo 10. Nilalaman nito ang unang batch ng mga materyales katulad ng mga aklat, lumang pahayagan, at mga larawan mula sa koleksiyon ni Professor Dante Ambrosio.
Noong Agosto 5 naman, pinangunahan ng Project Gunita ang isang block screening ng pelikulang Katips sa Gateway Cineplex 10, Gateway Mall, Cubao, Quezon City. Dumalo at nagsalita rito sila Etta Rosales at Judy Taguiwalo, mga survivor ng martial law, at si Vince Tañada, ang direktor ng pelikula.
Sa Agosto 21, ang ika-51 anibersaryo ng pagbomba sa Plaza Miranda at ang ika-39 anibersaryo ng brutal na pagpaslang kina Benigno S. Aquino Jr. at Rolando Galman, pangungunahan ng Project Gunita ang isang malaking pagtitipon at aksiyon sa Bantayog ng mga Bayan. Katuwang nila ang People Power Volunteers for Reform, August Twenty-One Movement, ABKD, Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA), Bantayog ng mga Bayani, at iba pang partner-organizations.
Sa tabing ng “history fair,” maraming organisasyon at indibiduwal ang inaanyayahan ng Project Gunita na makilahok sa aktibidad na ito. Maliban sa paglalagay ng booths, magsisimula ang main program pagsapit ng 1 nh, ang eksaktong oras ng paglapag ni Ninoy sa Pilipinas. Iimbitahan ng Gunita na magsalita ang mga biktima at survivor ng batas militar, mga organisasyong nabuo sa panahon ng rehimeng Marcos, at mga buhay na saksi sa panahon ng diktadura. Isang konsiyerto ang magtatapos sa programa.
Tuloy-tuloy rin ang paglaban ng Project Gunita sa historical distortion gamit ang mga arkibo nito sa Facebook, Twitter, at Instagram. Ilulunsad naman ng Project Gunita sa mga paparating na linggo ang YouTube channel, TikTok account, at website nito.
Pitik Bulag
Bibigyang kulay naman ng grupong Pitik Bulag, isang kolektibo ng cartoonists, ang kampanyang #SaysayNgKasaysayan. Nakalikha ng halos 100 editorial cartoons ang Pitik Bulag bilang bahagi rin ng #FactsFirstPH mula Abril hanggang Hulyo 2022.
Apat na Zoom webinar naman ang gaganapin ng Pitik Bulag mula Agosto hanggang Setyembre:
- Webinar 1 – Agosto 20, Sabado, 4-5:30 nh
- Paksa: Basic online workshop on editorial cartooning
- Tagapagsalita: Cartoonist Zach
- Webinar 2 – Agosto 27, Sabado, 4-5:30 nh
- Paksa: Basic online workshop on comics strip
- Tagapagsalita: Isang Tasang Kape
- Webinar 3 – Setyembre 3, Sabado, 4-5:30 nh
- Paksa: Women in editorial cartooning
- Tagapagsalita: Steph Bravo Semilla (Inquirer cartoonist)
- Webinar 4 – Setyembre 10, Sabado, 4-5:30 nh
- Paksa: Being a Filipino-American cartoonist
- Tagapagsalita: Angelo Lopez
Abangan sa Facebook page ng Pitik Bulag at sa Rappler kung paano makakapagparehistro.
Ilulunsad ng Pitik Bulag sa Setyembre 11 ang editorial cartoon contest, na may temang kaugnay sa paglaban sa disimpormasyon tungkol sa Martial Law. Bukas ang patimpalak sa edad 15 at pataas. Para magkaroon ng dagdag-kaalaman ang contestants, maaari silang lumahok sa sumusunod na webinar:
- Main Webinar – Setyembre 15, Huwebes, 4 nh hanggang 6 ng
- Paksa: How art can be used to combat disinformation
- Mga tagapagsalita: Tarantadong Kalbo, Pitik Bulag representative, ABKD representative, Tanggol Kasaysayan representative, Rappler representative
Ang deadline ng contest ay sa Setyembre 20. Pipili ang Pitik Bulag, sa tulong ng ABKD at Rappler, ng Top 15 at ipo-post ang mga ito sa Pitik Bulag page. Maliban sa Top 3 winners ay gagawaran ng “People’s Choice Award” ang entry na may pinakamaraming reactions sa awarding ceremony sa Setyembre 23.
Magkakaroon ng paggawa ng mga caricature ng mga personalidad noong Martial Law, kagaya ni Ninoy Aquino, simula Agosto 18.
Higit sa lahat, aarangkada muli ang Pitik Bulag sa kanilang regular na fact checks sa pamamagitan ng cartoons at komiks.
Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission (HRVVMC)
Inilunsad naman ng HRVVMC ang “#WeRemember Youtube series” nitong Agosto 5 ang dalawampung (20) mga bidyo kung saan sinasalaysay ang mga kuwento ng mga nabiktima ng Batas Militar. Layon ng proyektong ito na mailahad ang mga kuwento ng mga biktima na hindi pa naririnig ng publiko. Maaaring itong mapanood sa Youtube Channel ng HRVVMC.
Nitong Agosto 3 ay inilunsad naman ang “50 Before 50 project” na isa ring 50-day countdown bago ang ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law. Limampung karanasasan ng mga nabiktima ng Batas Militar ang ating mababasa sa kanilang social media accounts.
Pangalagaan natin ang saysay ng kasaysayan at protektahan ang mga historyador na nagsasalaysay ng katotohanan. Suportahan ang #SaysayNgKasaysayan ng #FactsFirstPH! – Rappler.com