Hangad ng mahigit sa 150 organisasyon na kabilang sa #CourageON Coalition at #PHVote Coalition na marinig sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 5 panawagan ng iba’t ibang sektor sa ilalim ng kampanyang #AtinAngPilipinas:
- Kalusugan at pagtugon sa pandemya
- Kabuhayan at ekonomiya
- Edukasyon
- Kalikasan at pagbabago ng klima
- Kapayapaan, kaayusan, paggalang sa karapatang pantao
KALUSUGAN AT PAGTUGON SA PANDEMYA: Malinaw at epektibong plano para sa kalusugan ng bawat Pilipino at sa pagtugon sa pandemya.
- NARARAPAT NA TUGON SA PANDEMYA. Mga plano na nakabase sa siyensiya at datos, napapanahon, malinaw, at binubuo matapos ang konsultasyon sa mga eksperto at mga maaapektuhang sektor. Mas epektibong pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa pandemya, at paninigurong pantay-pantay ang pamamahagi ng mga bakuna sa bansa.
- ISANG EPISYENTENG SISTEMANG PANGKALUSUGAN. Libreng serbisyong pangkalusugan, sapat na gamot, at pinalakas na pamamahala ng mga sistemang pangkalusugan ng komunidad, mula sa pambarangay hanggang pambansang antas. Pinalawak na access sa HIV/AIDS testing, pagpapagamot at pag-aaruga, at mga serbisyo at gabay para sa reproductive health.
- PANGANGALAGA SA HEALTHCARE WORKERS. Pagdaragdag sa bilang ng healthcare workers at paniniguro na maibibigay ang karampatang special risk allowance at sapat na sahod sa tamang oras.
- MALINAW NA PAGPAPARATING NG MGA POLISIYA. Batas na nakabase sa lohika at siyensiya, at mapagkakatiwalaang impormasyong tungkol sa pandemya at iba pang isyung pangkalusugan na maipamamahagi sa lahat.
- PAGPAPANAGOT SA MGA OPISYAL. Panagutin ang mga opisyal na responsable sa maling pagtugon sa pandemya, korupsiyon, at pagwawaldas ng pandemic resources.
KABUHAYAN AT EKONOMIYA: Konkretong plano para sa milyon-milyong Pilipinong nawalan ng trabaho, mga negosyong nagsara, at mga sektor na napadapa dahil sa palpak na naging pagtugon ng pamahalaan sa pandemya.
- MALAWAK NA PROTEKSIYON SA KARAPATAN NG MGA MANGGAGAWA.
- Pagwawakas sa kontraktuwalisasyon at pagpapatibay ng mga batas na nagbibigay ng suporta at proteksiyon sa mga manggagawang kontraktuwal, gig workers, platform-based workers, creatives, informal workers, katutubo, kababaihan, at mga indibiduwal na kabilang sa LGBTQ+ na naapektuhan ng pandemya.
- Pagpapatupad ng national minimum wage system na sapat at akma sa presyo ng mga bilihin
- Proteksiyon at pagpapalakas sa mga unyon
- Pagbibigay ng proteksiyon sa mga OFW na bumalik sa bansa, kabilang ang tulong na makapagsimula sila ng sariling negosyo
- SAPAT NA SUPORTA SA MSME. Malinaw at agarang maipatutupad na programa para medium, small, and micro enterprises (MSME) na naapektuhan ng pandemya. Magbigay ng pagkakataon sa kababaihang nananatili sa tahanan na magkaroon ng puhunan, maiugnay sa mga interesado sa kanilang produkto o serbisyo, at maging maalam sa digital na pamamaraan ng pagnenegosyo.
- KOMPREHENSIBO AT DETALYADONG PLANO PARA SA PAGBANGON NG EKONOMIYA. Pagpapatupad ng nararapat na economic stimulus, at pagbubukas ng credit facilities at saganang cash assistance sa mga apektado ng krisis pang-ekonomiya.
- TUGON SA TUMATAAS NA PRESYO NG MGA BILIHIN. Polisiya ng pagbabantay sa mga presyo ng bilihin at iba pang serbisyo.
- SAPAT NA PUHUNAN PARA SA INDUSTRIYANG PANG-AGRIKULTURA. Palawakin ang kaalaman ng mga mangingisda at magsasaka at isulong ang kanilang karapatang mangisda sa sarili nating karagatan at ariin ang mga lupang kanilang sinasaka.
EDUKASYON: Kilalanin ang edukasyon bilang isang karapatan — ligtas para sa kabataan at ligtas mula sa red-tagging.
- LIGTAS NA PAGBUBUKAS NG MGA PAARALAN. Malinaw na roadmap para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan at polisiya ukol sa academic ease, pagbibigay ng subsidiya sa mga guro, at paglalaan ng mga kaukulang serbisyo para sa pagbabalik ng face-to-face classes.
- PAGPAPAHALAGA SA ACADEMIC FREEDOM. Magpatupad ng mga batas na tutugon sa pagprotekta sa academic freedom at pagtiyak sa kaligtasan ng mga estudyante sa lahat ng antas sa paaralan.
- PAGBIBIGAY-PANSIN SA KALUSUGAN AT KAPAKANAN NG MGA MAG-AARAL. Pagbibigay ng mental health services para sa mga mag-aaral, guro, at staff ng mga paaralan, at pagpapasa ng Students Rights and Welfare (STRAW) Act.
- PAGLALAAN NG PONDO PARA SA SEKTOR NG EDUKASYON. Pagbibigay ng badyet na hindi bababa sa 6% ng Gross National Product para sa edukasyon. Ibigay sa edukasyon ang pondo ng ibang sangay ng pamahalaan, kagaya ng pondo sa debt servicing at ng militar.
- KURIKULUM NA MAY MGA ARALIN TUNGKOL SA KARAPATANG PANTAO, MEDIA, DEMOKRASYA, AT ANG SUSTAINABLE DEVELOPMENT GOALS, KASAMA ANG:
- Digital literacy at digital rights, reproductive rights education
- Good manners and right conduct (GMRC) at values education
- Irebiyu ang K-12 program para maihanda nito ang mga mag-aaral sa pagtugon sa national emergency
KALIKASAN AT PAGBABAGONG KLIMA: Pamahalaang tutugon sa mga epekto ng pagbabagong klima at poprotekta sa mga tagapagtanggol ng kalikasan.
- MAAGAP NA TUGON LABAN SA PAGBABAGO NG KLIMA. Isang komprehensibong planong mula at para sa mga bulnerableng sektor para sa pagbawas ng polusyon ng fossil fuel at pag-angkop sa pagbabagong klima alinsunod sa mga commitment ng bansa sa Paris Agreement. Paramihin ang mga commitment na walang kondisyon at isaprayoridad ang mga solusyong nakabatay sa komunidad.
- TRANSISYON PATUNGO SA RENEWABLE ENERGY. Pabilisin ang paglawak ng malinis at renewable energy tungo sa pagiging pinakamalaking prosyento ng pinagkukunan ng kuryente kumpara sa fossil fuel, sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga proyektong renewable energy sa antas komunidad, at sa paglimita ng pagpopondo para sa coal.
- LIKAS-KAYANG PAMAMARAAN NG TRANSPORTASYON. Promosyon at pagpapaunlad ng mas likas-kayang pamamaraan ng pampublikong transportasyon, at hikayatin ang pagbibisikleta, paglalakad, at iba pang active mobility options para sa mga mamamayan.
- PAGTATAGUYOD NG KILUSANG ZERO-WASTE. Pagpapasa ng mga batas na magbabawal sa mga Single-Use Plastic Products, magpapataw ng extended producer’s responsibility (EPR) o pananagutan sa pribadong sektor gumagamit ng plastics, magtutulak ng pagsasaliksik ng sistema ng mga alternatibong produksyon at materyales (circular economy). Maglaan ng pondo sa mga zero waste na inisyatiba sa antas ng komunidad para sa sustenableng pagkonsumo at produksyon para sa pangangailangan ng tao.
- SAPAT NA PONDO PARA SA PANGANGALAGA NG BIODIVERSITY AT KALIKASAN. Pagpapalakas ng mga inisyatibang mangangalaga sa natural na espasyo sa bansa, palawigin ang climate education, at triplehin ang bilang at protektahan ang karapatan ng ng mga forest rangers, sea wardens, defenders, at iba pang environmental workers.
- PAGPAPASA NG ALTERNATIVE MINERAL MANAGEMENT BILL. Pansamantalang ipatigil ang pagmimina, dredging, reclamation, plantations, infrastructure, incinerators, fossil fuel power plants, at iba pang proyektong nakakasira at sumasaid sa kalikasan na sinasabing parte ng pagtugon sa pandemya at estratehiya sa pagbangon ng ekonomiya.
KAPAYAPAAN, KAAYUSAN, PAGGALANG SA KARAPATANG PANTAO: Pamahalaang hindi yumuyurak sa karapatang pantao at may tapang na ipagtanggol ang ating soberanya.
- PAGTIGIL NG GIYERA KONTRA DROGA. Ibatay sa pagpapahalaga sa karapatang pantao ang pagsugpo sa ilegal na droga, at bawiin ang memorandum circular na nagbigay-buhay sa Oplan Tokhang.
- HUSTISYA AT PAGPAPANAGOT SA MGA UMABUSO. Pagsasagawa o pagpapatuloy ng mga imbestigasyon ng Kongreso, International Criminal Court, UNHRC, at truth commission sa ilegal na paggamit ng mga pondo at malawakang paglabag ng karapatang pantao.
- MAKATAONG TUGON SA INSUREKSIYON. Pagbuwag sa NTF-ELCAC, isang counterinsurgency program na ang tinatarget ay ang advocates, human rights defenders, at mga kritiko ng gobyerno. Bigyang pansin ang ugat ng himagsikan sa bansa, at magkaroon ng tunay na prosesong pangkapayapaan kasama ang mga grupo ng rebelde sa Pilipinas.
- RIGHTS-BASED NA MGA BATAS UKOL SA ICT. Pagbabalik at pagbabago ng Magna Carta for Philippine Internet Freedom bilang halimbawa ng digital rights na nakaangkla sa Philippine Declaration sa Internet Rights and Principles. Baguhin o alisin ang mga mapaniil na probisyon ng Cybercrime Prevention Act of 2021, kagaya ng criminal offense para sa libel.
- PAGPAPALAKAS SA KABABAIHAN, AT MGA MINORYANG PANGKASARIAN AT PANG SEKSUWAL. Pagpapasa ng batas at pagpapatupad ng mga polisiya na magtitiyak sa pagkakapantay-pantay ng mga kasarian upang mawakasan ang gender-based violence at diskriminasyon sa kababaihan at mga minoryang pangkasarian at pang-seksuwal. Isama sa education curriculum at sa mga ahensiya ng gobyerno ang pagkilala at pagrespeto sa kalakasan at kagalingan ng kababaihan at LGBTQ+
- PAGTATANGGOL SA KASARINLAN NG BANSA. Pagtibayin ang Hague ruling upang protektahan ang West Philippine Sea.
- PAGPROTEKTA SA MGA DEMOKRATIKONG INSTITUSYON. Protektahan at palakasin ang kalayaan sa pamamahayag, kasama ang pagprotekta sa civic spaces at pagbibigay ng ligtas at accessible na mga paraan sa mga mamamayan upang makipag-usap sa pamahalaan tungkol sa mga programa at polisiya. Palayain ang mga bilanggong politikal, kritiko, at miyembro ng oposisyon.
Patuloy na magmamatyag ang #CourageON Coalition at #PHVote Coalition upang bantayan ang pamamahala ng bagong administrasyon. Kung ikaw ay bahagi ng isang organisasyon na hangad na ipagtanggol ang ating mga karapatang pantao, sumali sa #CourageON: No Lockdown on Rights Coalition. – Rappler.com