MANILA, Philippines – Humigit kumulang 50 araw na lamang bago sumapit ang halalan ngayong 2022.
Isa ang patas at accessible na edukasyon sa malalaking suliraning kinakaharap ng bansa, at lalo pang pinalala ng pandemya ang problemang ito. Lalo ring pinalawak nito ang puwang sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap.
Sa Mayo 9, pipili tayo ng kandidatong tutulong sa pagtutuwid ng baluktot na sistema ng edukasyon sa bansa.
Alinsunod dito, nag-organisa ang MovePH at ang aming mga partner sa #PHVote at #CourageON: No Lockdown on Rights ng serye ng mga townhall o pulong. Tinatawag na #AtinAngPilipinas town hall, dito natin pag-uusapan ang iba’t-ibang mga isyung hinaharap ng bansa kasama ang mga paninindigan ng mga kandidato sa pagkapangulo.
Tatalakayin ng bawat town hall ang isang tema mula sa 5-point agenda na nilikha ng mahigit sa 150 organisasyon na kabilang sa #PHVote at #CourageON coalitions. Saklaw nito ang kalusugan at pagtugon sa pandemya; kabuhayan at ekonomiya; edukasyon; kalikasan at pagbabago ng klima; kapayapaan, kaayusan, paggalang sa karapatang pantao. Layunin nitong tulungan ang mga botanteng mas maunawaan kung sino ang dapat nilang iboto sa darating na halalan kung ang pagbabasehan ay ang mga importanteng isyung kinakaharap ng bansa.
Ang ikatlong town hall na inorganisa ng Amateur Media Association of Philippine Scouts (AMAPS), College Editors Guild of the Philippines, Caloocan Young Leaders Initiative, De La Salle University Student Government, Now You Know, Student Council Alliance of the Philippines, TomasinoWeb, We The Future PH, at MovePH ay magaganap sa Marso 19 nang 11 am. Tatalakayin sa town hall na ito ang lagay ng edukasyon sa Pilipinas at kung ano ang puwedeng bigyang-pansin ng ating mga susunod na pinuno.
Ito ang mga speaker sa #AtinAngPilipinas town hall: Edukasyon:
- Curt Marvin Cruz, alumni fellow mula sa Teach for the Philippines at inclusion advocate
- Ken Paolo Gilo, ang national chairperson ng Student Council Alliance of the Philippines
- Micah Simon, volunteer sa Save Our Schools Network
Ang town hall na ito ay padadaluyin nina Jules Guiang, ang pinuno ng Community ng Rappler, at ni Sam Jauco, ang editor in chief ng AMAPS Web.
Ano-anong mga isyung pang-edukasyon ang gusto mong aksyunan ng susunod nating mga pinuno? Sumali sa town hall ngayong Marso 19, 11 am. Lalabas ito sa Rappler at sa online pages ng mga partner nito. – Rappler.com