Quantcast
Channel: MovePH
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3379

Paano dudulog sa ICC ang mga biktima ng drug war ni Duterte?

$
0
0

Hinihikayat ng International Criminal Court o ICC ang mga pamilya at biktima ng drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas na ibahagi ang kanilang mga pananaw at saloobin.

Ang mga patotoo na makakalap sa victim representation stage ay gagamiting gabay ng pre-trial chamber ng ICC sa pagdedesisyon nito kung magbubukas ng imbestigasyon laban sa administrasyong Duterte.

Ang kongklusyon ng tagausig ng ICC: nagkaroon ng “crimes against humanity of murder” sa Pilipinas kaugnay ng drug war ni Duterte.

Ano-ano ang dapat gawin ng mga biktima at kanilang mga pamilya para makasali sa prosesong ito? Kasama ang Rise UP at National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), sasagutin namin ang ilan sa mga katanungan tungkol sa Victims Participation and Reparations Section o VPRS. 

Sino ang maaring magsumite sa VPRS? 

Kahit sinong naging biktima ng war on drugs ng administrasyong Duterte ay maaaring magsumite ng patotoo sa VPRS. 

Sakop ng panukalang imbestigasyon ang mga insidente sa mga sumusunod na panahon:

  • Nobyembre 1, 2011, hanggang Hunyo 30, 2016 – kung kailan si Duterte at ang kanyang anak na si Sara ay alkalde ng Davao City
  • Hulyo 1, 2016, hanggang Marso 17, 2019 – kung kailan presidente ng Pilipinas si Duterte

Saklaw ng posibleng imbestigasyon ang mga patayang konektado sa war on drugs, isinagawa man ng pulis, vigilante, o mga hindi tukoy na mga suspek. 

Itinuturing na direktang biktima ang mga namatay at ang mga nabuhay matapos ang mga insidente. Itinuturing ding biktima ang mga naulila – halimbawa, ang mga sinusustentuhan ng isang pinatay o napatay na tagapaghanapbuhay ng pamilya.

Maaari ring magpaabot ng saloobin ang mga biktima ng ibang uri ng kalabisan at abuso ng pulis man o hindi, katulad ng: 

  • inaresto
  • ikinulong
  • idinawit sa kaso
  • isinama sa drug list at/o pinangalanan sa publiko na konektado sa drugs nang walang sapat na batayan
  • sapilitan o napilitang pinaamin na user o pusher
  • sapilitan o napilitang magturo ng user o pusher
  • pinarusahan at/o sapilitang pinag-rehab, kinikilan
  • pinasok sa bahay
  • ni-raid, sinona habang may operasyon, at iba pa. 
Ano ang mangyayari sa VPRS? 

Sa pagsusumite ng mga pananaw at saloobin ng mga biktima, kailangang malinaw ang paglalahad ng nangyari sa mga biktima. 

Puwedeng gumamit ng kahit anong wika o diyalekto ang mga magsusumite, at maaari rin nilang ipadala ito nang nakasulat o naka-record na audio o video sa email address o address ng VPRS.  Dapat ding nakalagay ang contact information ng magsusumite upang makontak kung may paglilinaw at/o update na kailangan ang pre-trial chamber.

Ang pinakaimportanteng bahagi ng kanilang mensahe ay kung nais bang ipagpatuloy ng mga biktima ang imbestigasyon, at kung ano ang mungkahi nilang maging saklaw nito.

Bakit kailangang lumahok ng mga biktima at pamilya sa VPRS? 

Gamit ang isinumite ng mga biktima, gagawa ang VPRS ng report para sa mga huwes ng pre-trial chamber. Gagamitin ng pre-trial chamber ang report sa kanilang pagdedesisyon kung papayagang  magpatuloy ang ICC prosecutor sa pag-iimbestiga nito ng war on drugs.

Tanging ang VPRS lang ang makababasa sa mga isusumite; kung sakaling hilingin ng pre-trial chamber, maaaring ipakita ang mga ito sa kanila. Ngunit hindi ito, sa kahit anong pagkakataon, ibibigay sa administrasyong Duterte o sa magiging akusado.

Walang insentibo o pabuya para sa mga magsusumite sa VPRS. Ang nais lang ng ICC ay malaman ang mga pananaw ng mga biktima, partikular sa maaaring maging direksiyon ng malalim na imbestigasyon.

Kung papayag ang mga huwes, maaaring makipag-ugnayan ang mga biktima kung gusto nilang maging bahagi ng sa imbestigasyon. Pagkatapos ay hihiling ang ICC Office of the Prosecutor na buksan ang kaso. 

Kung matuloy ang paglilitis, hihikayating kumuha ng abogado ang mga biktimang lalahok, at maaari ring magparehistro ang mga biktima para sa posibleng danyos.

Paano lumahok sa VPRS?

Bukod sa pagbisita sa online website ng ICC, maaaring kontakin ng mga biktima o ng pamilya nila ang ICC VPRS dito:

  • Email: VPRS.Information@icc-cpi.int
  • Address:
    • International Criminal Court
    • Victims Participation and Reparations Section
    • Situation in the Philippines PO Box 19519
    • 2500CM, The Hague
    • The Netherlands

Para sa iba pang impormasyon, maaring i-download ang mga sumusunod na resources na inihanda ng Rise UP at NUPL. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3379

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>