Quantcast
Channel: MovePH
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3375

Paano magparehistro para makaboto sa 2022 Philippine elections?

$
0
0

(Salin ni Eala Julienne P. Nolasco ng artikulong “How to register to vote in the time of a pandemic,” mula sa orihinal na Ingles ng Rappler na unang nalathala noong November 6, 2020.)

Sa gitna ng community quarantine sa buong bansa laban sa COVID-19, pinapahintulutang lumabas ng bahay ang mga mamamayan para sa ilang kinakailangang gawain. Isa sa mga ito ang pagpaparehistro bilang isang botante para sa eleksiyon sa Mayo 9, 2022.  

Nagsimula muli ang voters’ registration noong Setyembre 2020. Pero ayon sa Commission on Elections (Comelec), 1.3 milyong Pilipino pa lamang ang nakakapagparehistro hanggang unang linggo ng Pebrero 2020. Mas mababa ito kaysa target na 4 milyon bagong botante bago mag-Setyembre 30, 2021.

Para mapadali ang pagpaparehistro, pinahaba pa ng Comelec ang office hours nito hanggang 5 pm, at pinabubuksan ang opisina tuwing Sabado. 

Narito ang kumpletong gabay sa pagpaparehistro sa panahon ng pandemya.

Step 1: Siguraduhing kalipikado kang maging botante sa darating na eleksiyon.

Maaari ka nang magparehistro kung ikaw ay:

  • Filipino
  • 18 taong gulang bago sumapit ang araw ng eleksiyon (Mayo 9, 2022)
  • Residente ng Pilipinas nang hindi kukulangin sa isang taon, at residente ng iyong barangay nang hindi kukulangin sa anim na buwan
Step 2: Alamin kung saan ang Comelec office sa iyong lugar at magpa-schedule ng appointment.

Dahil sa banta ng COVID-19, nagpapatupad ng appointment system ang ilang tanggapan ng Comelec. May ilang tumatanggap ng “walk-in,” ngunit limitado lamang ang puwede nilang asikasuhin.

Importanteng magpatala muna ng appointment upang maiwasan ang matagal na pagpila.

Ang opisina ng Comelec ay kadalasang matatagpuan sa loob ng munisipyo, at bukas ito mula 8 nu hanggang 5 nh, Martes hanggang Sabado. Maaari mong hanapin ang official website o Facebook page ng lokal na opisina ng Comelec at i-check kung mayroon silang appointment system.

Kapag nakakuha ka na ng appointment, ihanda at lagdaan ang mga registration form.

Step 3: Ihanda ang mga kinakailangang dokumento at forms.

Sa inyong bahay, i-print at sagutan ang mga sumusunod na forms:

  1. CEF-1, na naglalaman ng mga pangunahing impormasyon tungkol sa iyo.
  2. Coronavirus Self-Declaration Form
  3. Karagdagang dokumento para sa mga taong may kapansanan o persons with disabilities (PWDs) at at mga katutubo o indigenous peoples

Maaaring i-download dito and forms. Huwag kalimutang magdala ng tatlong (3) kopya ng mga pirmadong form. 

Kapag nasagutan mo na ang forms, maghanda ng valid ID at ilang photocopy nito.

Tinatanggap ng Comelec ang mga sumusunod na ID:

  • Employee’s identification (ID) card, na may pirma ng employer o ibang authorized representative
  • Postal ID
  • PWD discount ID
  • Student’s ID o library card, na pirmado ng awtoridad sa eskuwelahan
  • Senior citizen’s ID
  • Driver’s license
  • NBI clearance
  • Passport
  • SSS/GSIS ID
  • Integrated Bar of the Philippine (IBP) ID
  • Professional license mula sa Professional Regulatory Commission (PRC)
  • Certificate of confirmation mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) kung miyembro ng indigenous cultural communities o indigenous peoples

Kapag nakumpleto na ang mga ito, hintayin ang petsa ng iyong appointment date.

Huwag kalimutang magdala ng face mask at face shield. Hindi papapasukin sa opisina ng Comelec ang wala nito.

Kung maaari, magdala rin ng bolpen, para maiwasang makakuha ng virus.

Step 4: Ihanda ang sarili para sa araw ng rehistrasyon.

Maaaring magkakaiba ang mga patakaran ng local Comelec offices, pero narito ang ilang puwedeng asahan:

1. Contact tracing

Bilang bahagi ng nationwide contact tracing protocols laban sa COVID-19, mayroong contact tracing forms na kailangang punan bago makapasok sa munisipyo. Dahil naihanda at nasagutan mo na ito, iaabot mo na lamang ang form sa empleyado ng Comelec.

2. Pagsusuri ng aplikasyon at pagpirma

Upang masiguradong kumpleto at tama ang mga impormasyong hinihingi sa mga form, rerepasuhin ng isang electoral officer ang mga ito. Hihingin ng electoral officer ang iyong pirma para makumpleto ang authorization process.

3. Pag-log ng aplikasyon sa sistema

Ipoproseso ang iyong aplikasyon sa ERB o Election Registration Board system.

4. Biometrics

Kukunan ka ng litrato at hihingin ang iyong digital signature at fingerprints.

5. Stub collection

Bibigyan ka ng resibo bilang katunayan ng iyong rehistrasyon. Ingatan ito.

Habang naghihintay na aprobahan ng ERB ang iyong aplikasyon, sundan ang mga pangyayari sa bansa, makilahok sa mga diskurso ukol sa eleksiyon, alamin ang plataporma ng mga kandidato, at pag-isipan kung sino-sino ang iyong iboboto. 

Hikayatin din ang iyong mga kaibigan o ibang kakilala na magparehistro para makaboto na sa darating na eleksiyon.

Kung mayroon kang mga tanong, bisitahin ang opisyal na website ng Comelec, Comelec Facebook Page, o magpadala ng email sa voters_id@comelec.gov.ph. – Eala Julienne P. Nolasco/Rappler.com

Si Eala Julienne P. Nolasco ay isang Rappler intern mula sa Ateneo de Manila University, at kasalukuyang kumukuha ng kursong Interdisciplinary Studies.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3375

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>