Quantcast
Channel: MovePH
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3375

[OPINYON] Pahayag ng mga maralita sa 'Balik Probinsya' program

$
0
0

 

Sa gitna ng pandaigdigang krisis dulot ng COVID-19, nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 114 na nagtatatag sa “Balik Probinsya, Balik Pag-asa Program.” Layon ng programang balansehin ang pagpapaunlad ng mga rehiyon. Bagamat ito ay isang magandang programa para sa mga maralitang tagalungsod na nagnanais makauwi sa kani-kanilang probinsya, kaming mga maralitang tagalungsod ay may mga agam-agam, dala na rin ng aming karanasan sa programang “Balik Probinsya” ng mga nakaraang administrasyon at sa kasalukuyang nangyayari sa pagpapatupad ng programang ito. (READ: As country battles pandemic, Duterte adopts Bong Go's new pet project)

Sa pamamagitan ng pahayag na ito, humihiling kami ng paglilinaw sa ilang probisyon ng programa na tila sinisisi ang mga maralitang komunidad sa pagkalat ng sakit na Covid-19. Higit sa lahat, aming iginigiit ang mga karapatan ng mga maralitang tagalungsod sa maayos na pamumuhay at disenteng tahanan sa kalungsuran.

  1. Ang “Balik Probinsya, Balik Pag-asa Program” ay dapat na BOLUNTARYO. Hindi dapat pilitin ang sinumang umuwi sa mga probinsya.

  2. Sa halip na pabalikin ang mahihirap sa kanilang probinsya — kung mayroon man silang uuwian — mas mainam na magpatupad ang pamahalaan ng tunay na reporma sa lupang urban at sa pabahay na nakasaad sa Saligang Batas ng 1987:

Seksyon 9, Artikulo XIII. — Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas at para sa kabutihan ng lahat, sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor, ng patuluyang programa sa reporma sa lupang urban at sa pabahay na magbibigay ng makakayanang disenteng pabahay at mga pangunahing paglilingkod sa mga mamamayang dukha at walang tahanan sa mga sentrong urban at mga panahanang pook. Dapat ding itaguyod nito ang sapat na mga pagkakataon sa hanapbuhay sa mga mamamayang iyon. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng mga may-ari ng maliliit na ari-arian sa implementasyon ng programang iyon. 

Maliban sa reporma sa lupa sa mga lungsod, itinatadhana rin sa Republic Act 7279 o mas kilala bilang “Urban Development and Housing Act of 1992” ang pagpapabuti sa kalagayan ng mga maralitang tagalungsod sa pamamagitan ng pagtitiyak na sila ay may: 

  • Maayos na buhay

  • Maayos at kasiguruhan sa paninirahan (basic services and housing security)

  • Oportunidad sa paghahanap-buhay

  • Bahagi sa pagpapaunlad ng kalungsuran

  1. Ang “Balik Probinsya, Balik Pag-asa Program” ay hindi dapat gamitin upang paalisin ang mga maralitang tagalungsod sa kalungsuran. Malinaw din itong nakasaad sa ating Saligang Batas:  

Seksyon 9, Artikulo XIII. —Hindi dapat paalisin ni gibain ang kanilang mga tirahan ng nagsisipanirahan sa mga dukhang urban or rural maliban kung naaayon sa batas at sa paraang makatarungan at makatao.

Hindi dapat ilipat ng tirahan ang nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural nang walang sapat na pakikipagsanggunian sa kanila at sa mga pamayanang paglilipatan sa kanila.

  1. Hindi dapat ituring ang mga maralitang komunidad bilang pinagmumulan o “breeding ground” ng sakit na COVID-19. Una sa lahat, hindi ito isang sakit na dala ng mga mahihirap, ngunit sila ang pinakalantad dahil hindi praktikal sa kanilang siksikang kalagayan ang physical at social distancing, at marami sa kanila ang walang access sa malinis na tubig, sanitasyon, at serbisyong pangkalusugan. (READ: [OPINION] Balik Probinsya: Are we learning the wrong lessons from the pandemic?)

Sila ay mga biktima rin ng sakit na ito, at bilang mga mamamayan, marapat silang bigyan ng sapat na proteksyon. Mahalaga ang pagsasagawa ng ”mass testing” sa mga komunidad na nagkaroon ng kaso ng COVID-19 upang malaman kung sinu-sino ang nahawahan, at nang sa gayon ay mabigyan sila ng agarang atensyong medikal. 

  1. Kung sakali man tanggapin ng mga tao ang iniaalok na tulong upang makabalik sa kanilang probinsya, dapat silang sumailalim sa libreng testing upang masigurong ligtas sila sa COVID-19. 

  2. Para sa mga magbabalik-probinsya, dapat tiyakin ng pamahalaang maayos ang kanilang magiging buhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos na tirahan at katiyakan sa paninirahan, sapat na hanapbuhay, at iba pang batayang pangangailangan. 

  3. Kasabay ng “Balik Probinsya, Balik Pag-asa Program,” dapat isaayos din ang mga relokasyong hanggang sa kasalukuyan ay kulang na kulang pa rin ang mga pasilidad na pangkalusugan, mga paaralan, at suplay ng kuryente at tubig. Nararapat lamang paunlarin ang mga relokasyong pinaglipatan sa libu-libong pamilya lalo na sa labas ng Metro Manila. 

  4. Gaya ng binibigyang-diin sa “Department of Human Settlements and Urban Development Act,” dapat suportahan ng pamahalaan ang mga organisadong maralitang mayroong tinatawag na “people’s plan.” Makatutulong ang pamahalaan sa pagtiyak na nakapaloob sa mga planong ito ang mga hakbang na maglalaan ng sapat na espasyo sa mga pabahay, bagay na mahalaga sa pag-iwas sa pagkalat ng sakit gaya ng COVID-19. 

  5. Iminumungkahi namin ang pakikilahok ng mga maralitang tagalungsod sa pagbubuo ng mga patakaran at pagpapatupad ng programa.

  6. Aming iginigiit na ang ang pagdedecongest ng Metro Manila sa pamamagitan ng “Balik Probinsya, Balik Pag-asa Program” ay hindi solusyon sa COVID-19 sa ngayon. Nararapat lamang na ang perang ilalaan sa  programang ito ay dapat ituon sa mass testing, pagtatayo ng pasilidad pangkalusugan, at pagbibigay ng ayuda sa lahat ng nangangailangan. (READ: [OPINION] Balik-probinsya, balik-Maynila: Coronavirus and decongesting the city)

Maganda man ang layunin ng “Balik Probinsya, Balik Pag-asa Program,” nangangamba kaming magiging daan ang programa ng pagpapalaganap ng maling pananaw tungkol sa mga maralitang tagalungsod — ang mga manggagawa ng lungsod — at ng pagpapatupad ng mga hakbang na magtutulak sa kanila sa mas matinding kahirapan. Kung katulad lamang ito ng mga nakaraang “Balik Probinsya” na iniaalok sa mga hindi tatanggap ng relokasyon at kung nakatuon lamang ito sa pagpapaluwag ng Metro Manila, hindi nito matutugunan ang tunay na kalagayan ng mga maralita at ang mga sanhi ng kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay sa ating bansa. – Rappler.com

Ang pahayag na ito ay sama-samang nabuo sa pamamagitan ng Zoom meeting ng iba’t ibang lider ng mga organisadong samahan ng Urban Poor Action Committee (UPAC), na binubuo ng Koalisyon ng mga Organisadong Samahan ng mga Maralitang Tagalungsod (KOSMAT) at ng Ugnayang Lakas ng mga Apektadong Pamilya ng Baybaying Ilog (ULAP). Kasama din ng UPAC ang Urban Poor Associates (UPA) at Community Organizers Multiversity (COM), mga NGO na nagtataguyod ng mga karapatan pantao at pabahay para sa mga maralita sa pagbabalangkas ng pahayag.

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3375

Trending Articles