MANILA, Philippines – Una kong narinig ang St Nicolas Senior High School of Cabanatuan City nang naimbitahan akong maglingkod bilang isa sa mga hurado sa Spoken Word Poetry at Speech Choir competition sa CACES Encounter Year 3 noong Pebrero 1, 2018.
Ang CACES o Cabanatuan Catholic Education System ay samahan ng mga Catholic school sa lalawigan ng Nueva Ecija. Noon ko nakilala ko si Gng Carmela “Ma’am Maila” Garma, ang school director at principal ng St Nicholas Senior High School (SNSHS). Sina Mrs Garma, Most Reverend Sofronio Bancud, SSS, Dd, at Reverend Father Michael Veneracion ang nagtatag ng paaralang iyon. Misyon nilang pag-aralin ang mga batang kabilang sa pinakamahihirap na pamilya sa Diyosésis ng Cabanatuan. Isinunod ang pangalan ng eskuwelahan sa parokyang nakasasakop dito – ang St Nicholas of Tolentine Parish Cathedral. Inikot nila ang 16 na bayan upang piliin ang mga karapat-dapat na mag-aaral.
Salâng-salâ daw ang nakapapasok dito – may series of interview. Kailangang may patotoo ang kapitan ng barangay na sila ay talagang indigent. Dapat din nilang ibigay ang litrato ng kanilang bahay gaano man kaabá ito. Mas kaawa-awa, mas kalipikado. Ang mga napili ay
makikitira sa kani-kanilang kamag-anak sa Cabanatuan. Ang mga wala namang matutuluyan ay tutulungan ng SN-SHS na makahanap ng tirahan. At kaalinsabay ng pagpapatupad ng K to 12 curriculum noong school year 2016-2017, binuksan ng SNSHS ang pintuan nito para sa 185 estudyante ng Grade 11.
Naitataguyod ang pag-aaral ng mga bata mula sa pinagsama-samang donasyon ng may mabubuting kalooban. Ipinapagamit sa kanila ang lumang gusaling katabi ng katedral. Libre ang matrikula at libro. 'Pag may okasyon gaya ng graduation, libre ang damit at makeup.
Karamihan sa mga estudyante roon ay matagal natigil sa pag-aaral at ang ilan nama’y nakatuntong lang sa senior high dahil sa Alternative Learning System. May kabilang sa broken family. May abandonado. May ulila. May nawalay sa pamilya. May working students. May kani-kaniyang pakikipagsapalaran; may kani-kaniyang pinagdaraanan.
Noong Agosto 14, 2018, nagbigay ako ng panayam tungkol sa katatapos nilang subject – ang 21st Century Literature and the World. Lahat sila ay matamang nakikinig. Nakikilahok sa
usapan. Nagbigay ako ng kaunting lecture at tips sa masinop na pagsulat. Mas nakahihigit ang pagbabahagi ko ng karanasan. Maaaring ako’y hindi mabungang “resource person” subalit marahil ako’y naging isang mabisang motivational speaker. Pagkatapos ng aking panayam,
kailangan nilang magbigay ng output. Ang mapipili ko ay isasama sa newsletter na ilalathala bago matapos ang taon. Pinasulat ko sila ng sanaysay na may paksang “Sana ay alam ng mga
magulang ko na __________.”
Kapansin-pansin ang kanilang pangit na sulat-kamay, palibhasa’y matagal na hindi nakahawak ng bolpen. Gayumpaman, pinagtiyagaan kong isa-isang basahin. Halos lahat, nangangarap na sana’y alam ng kanilang mga magulang ang dinaranas nilang hirap. May isang tumatayong magulang sa kaniyang maliliit na kapatid. Igagayak na muna niya ang mga ito sa pagpasok bago harapin ang sarili. Patâ na ang kaniyang katawan pagdating sa klase.
Mayroon ding nagsabing “Sana’y alam ninyo ang pagtitiis at paghihirap ko sa araw-araw na wala kayo sa aking tabi.” Ang isa naman ay nahihirapang mag-out: “Sana ay alam ng mga magulang ko na ako ay bading.”
Ang higit na nakatawag sa aking pansin ay ang nagsabing “Sana, hindi na lang sila’ng mga magulang ko. Sana’y alam nila na sobrang mahirap mabuhay nang walang umiintindi at nagpapahalaga. Sana’y alam nila na GUSTO NANG MAWALA NG ANAK NILA!”
Kaagad kong ipinaalam kay Ma’am Maila ang mga natuklasan kong dalahin ng mga bata upang maagapan iyon sa lalong madaling panahon. Baka kung ano pa ang maisipan nilang gawin. Ipinatawag ni Mr Ian Radge “Sir Ian” Melad, guidance counselor, at Ms Anna Lorena
“Ma’am Nini” Abique, ang head ng Office of the Student Affairs, ang 3 sa mga bata para kausapin. Ang lahat ng pangangailangan ng mga ito – pinansiyal man o medikal – ay kanilang tinugunan. Mayroon ding hinanapan ng bubong na masisilungan. Dahil dito, nag-isip ang mga
opisyal ng paaralan ng isang programang mabibigyang-pansin ang lahat ng aspékto ng pagkatao ng mga mag-aaral. Binuo nila ang proyektong “Pag-igpaw.” Inspired ko raw ang proyektong ito.
At noong Agosto 7, 2019 – isang taon makalipas ang aking panayam doon – ay nagsagawa ang St Nicholas Senior High School ng isang variety program na nagtatampok sa “Pag-igpaw.” Inimbitahan ako ni Ma’am Maila upang saksihan ang programa at magbigay ng mensahe. Mas marami din ang participants; mahigit 300 sila ngayon.
Naunang nagsalita si Ma’am Maila. Ikinuwento niya sa ang pinagmulan ng proyektong iyon at ang kinalaman ko dito. Nang ako na ang magsasalita, hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Para akong nablangko. Sino ang mag-aakalang ang simple kong pagpapasulat ng sanaysay ay aabot sa ganito? Nababasag ang boses ko. Nahihinto ako para magpahid ng luha. Ikinuwento ko kung paanong ako ri’y naisalba ng pagsusulat, kung paanong ako’y nakararating sa ibang mundo dahil dito, at nakalilipat sa iba’t ibang persona. Pagkatapos kong magsalita ay hinandugan nila ako ng munting alaala.
Ang huling bahagi ng programa ay ang Mental Health Awareness Seminar. Nagbigay ng panayam ang isang guidance counselor mula sa Central Luzon State University. Tunay ngang iyon ay kapaki-pakinabang hindi lamang sa mga kabataan kundi pati sa isang magulang na tulad ko.
Habang nananghalian kasabay ang pamunuan ng paaralan, mas marami pa akong kuwentong narinig. Mas lalong nakapanlulumo. Ang sabi ni Ma’am Nini, “Dito lang ako nakakita ng maraming estudyanteng hinihimatay. Hinihimatay dahil hindi nag-aalmusal.” Dahil raw dito
kaya mayroon silang libreng almusal at tanghalian. Nakikipag-usap na rin sila sa isang restawran para sa libreng hapunan ng mga piling estudyante.
Kaysarap maging bahagi ng ganoong programa bagaman hindi ako expert sa literature man o mental health. Batid kong malayo pa ang mararating ng St Nicholas Senior High School. Marahil sa isang taon, mas marami pang bata ang papasok doon. Maaaring mayroon pang mas mabigat ang pinagdadaanan subalit hanggang nariyan sina Ma’am Maila, Ma’am Nini, at Sir Ian, lahat ay mapagagaan.
Para sa anumang tulong na nais ipaabot sa kanila, maaari kayong mag-email sa saintnicholasshs@gmail.com o tumawag sa telephone number (044) 9511404. – Rappler.com