Quantcast
Channel: MovePH
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3375

[OPINYON] Ikinasal ako sa isang atheist

$
0
0

Ikinasal ako sa isang atheist

Noong una 'di ko alam na hindi pala siya naniniwala sa Diyos o sa kahit na anong may kinalaman sa relihiyon. Pero ako, ang pamilya namin ay saradong Katoliko. Although magkaiba ang relihiyon ng nanay at tatay ko, ang nanay ko Katoliko, ang tatay ko naman Born Again, lumaki akong naniniwala at may takot sa Diyos.

Nakilala ko ang asawa ko sa jeep. Oo, tama ka ng basa, sa jeep kami nagkakilala. Naliligaw daw siya, kaya bilang mabait ako (kuno), tinulungan ko siya. Itinuro ko kung saan ang tamang sakayan niya pauwi sa bago nilang bahay. At para i-test pa ako lalo ng tadhana, hindi kami sabay na umuwi noon kahit magkatabing subdivision lang ang pupuntahan namin kasi kailangan kong magsimba muna. Pinakiusapan kasi ako ng kapatid ko na magtirik ng kandila at mag-alay ng dasal sa simbahan at ipagdasal na gumaling na yung boyfriend niya (ex niya na ngayon), kaya ginawa ko.
 
Kinagabihan, nag-text na siya. Nagka-text na kami at, pagkatapos ng isang linggo, nagkita kami at nagkapalagayan na ng loob. (Eto 'yung part na na-in love na raw siya sa akin.)

Pagkatapos ng dalawang buwan, nagsama na kami sa iisang bahay, kahit na hindi alam ng pamilya ko, sumama ako sa kanya. Dito ko na nalaman na hindi pala siya naniniwala sa Diyos. Natatawa na lang siya 'pag nagkukwento ako na ako mismo hindi sinusunod 'yung rules ng Simbahang Katoliko, pero naniniwala ako sa Diyos. Naikuwento ko rin sa kanya na inaral ko at sumama ako sa pagtuturo ng Salita ng Diyos sa 3 relihiyon, pero mas pinipili ko pa rin ang pagiging Katoliko dahil doon naman ako bininyagan. 
 
Magalang siya. Para sa taong hindi naniniwala sa Diyos, hindi ko pa siya narinig kuwestyunin ang paniniwala ko. Hindi niya tinatanong kung bakit ako nagsa-sign of the cross sa harap ng simbahan. Tumatahimik din siya at rumerespeto 'pag may pagkakataon na may "padasal" sa bahay, lalo na kapag may handaan. Tumatahimik siya at bibigyan niya ako ng time sa gabi para makapagdasal ng tahimik bago kami matulog. 
 
Ang sabi ko pa sa kanya noon, bigay siya ng Diyos sa akin, at tumawa lang siya. Akalain mo 'yun, sa jeep lang kami nagkita pero heto at nagmamahalan na kaming dalawa? Sa isip ko, kung hindi 'yun tadhana at itinakda ng Diyos, ano 'yon, di ba? 

Akala ko noong una 'pag atheist barumbado, matapang, siga, pero nagkamali ako. Sila pa 'yung mas nakakaunawa, sila pa 'yung mas gumagalang sa paniniwala ng iba. Sila pa 'yung mas may respeto. May mga kakilala akong relihiyoso raw at palaging nagsisimba, pero kulang na lang masuwag ka ng mga sungay nila. 

Makalipas ang 11 buwan mula nang magkita kami sa jeep, nagdesisyon na kaming magpakasal. Bilang babae, gusto ko ng magarbong kasal, 'yung fairytale wedding kumbaga. Naalala ko noong high school ako, nasa bucket list na isinulat ko para sa project namin ang maikasal sa simbahan. Kasama pa sa listahan ng "ideal man" ko ang may takot sa Diyos.

Pero paano? Hindi naniniwala sa Diyos ang mapapang-asawa ko? Papayag ba ako na hindi matupad ang hiling ko? Isang beses lang ako ikakasal sa buhay ko, inisip ko, gusto ko sa simbahan. Pero nangibabaw ang pagmamahal ko sa kanya. Hindi ko siya pinilit maikasal sa simbahan; sinabi ko sa kanya na sa huwes na lang kami ikasal, kahit na taliwas 'yun sa gusto ko.

Mahal ko siya at hindi ko siya dapat pilitin na magpakasal sa simbahan. At dahil magiging mag-asawa na kami, hindi lang siya dapat ang mag-adjust sa mga gusto ko, dapat ako rin sa mga gusto niya. Dapat marunong din akong magbigay sa taong mahal ko, dahil ang pagmamahal give and take. Hindi puwedeng ako na lang nang ako ang masusunod dahil lang sa babae ako. Natutuhan ko na 'pag nagmamahal na pala nang totoo, pantay na kayo. Walang mas mataas, walang nakalalamang. Kaya ang ending, natuloy ang civil wedding naming dalawa. Ang mahalaga naman asawa ko na siya.

Akala ng iba mahirap magkaroon ng asawang atheist, pero nagkakamali kayo. Mapayapa sa loob ng bahay namin, iginagalang namin kung ano ang pinaniniwalaan ng bawat isa at nirerespeto namin 'yon. Hindi ko pa siya natatanong kung bakit hindi siya naniniwala sa Diyos. Hindi ko alam ang dahilan, pero kahit ganoon wala namang pagbabago eh. Ang sabi niya sakin, "Hindi ko alam kung may afterlife dahil hindi rin ako naniniwala doon, pero one thing is for sure, kung meron man, hahanapin ulit kita at papakasalan ulit kita. Ikaw at ikaw palagi ang pipiliin ko."  Rappler.com

Sinag Diva is a pseudonym for the author, who remains happily married. 




Viewing all articles
Browse latest Browse all 3375

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>