MANILA, Philippines – Para sa mga Filipino, hindi kumpleto ang Pasko nang hindi napapakinggan ang "Christmas in our Hearts" ni Jose Mari Chan.
Kaya naisipan ni propesor Michael Coroza, isang premyadong makata at tagasalin, na gawan ng letra sa Filipino ang sikat na Christmas song. Pinamagatan niya itong "Pasko sa Ating Puso."
"Bakit ko natipuhang isalin 'yan? Kasi popular 'yan na kantang Pamasko. Lahat halos ng Pilipino ay alam 'yan. Sa katunayan, nagiging icon na nga si Jose Mari Chan dahil sa kantang ‘yan,” ani Coroza.
Si Coroza, na guro sa Ateneo de Manila University, ay pinagkalooban noong 2007 ng SEA Write Award, isang pinagpipitagang parangal para sa mga makata sa Southeast Asia.
Ayon sa kanya, noong 2016 pa niya natapos isalin ang kanta, pero ngayon lang niya naibahagi ito sa kanyang mga kaibigan sa pamamagitan ng Facebook.
Kinanta ni Miko Idyanale Coroza, anak ni Michael, ang bersiyon sa Filipino. Matatandaang inawit din ng anak ni Jose Mari Chan na si Liza Chan ang kantang "Christmas in our Hearts" nang lumabas ito sa himpapawid noong 1990. (BASAHIN: The stories behind Jose Mari Chan's iconic Christmas songs)
Pag-angkop sa kultura
Bukod sa katanyagan ng kanta, ayon kay Coroza ay angkop at nalalapit din ang himig (melody) ng kantang "Christmas in our Hearts" sa mga Filipinong kantang Pamasko, katulad ng "Ang Pasko ay Sumapit."
"Pinoy na Pinoy ang melody ng kanta kaya naisipan ko na mainam na lagyan ng letra sa Filipino," dagdag ni Coroza.
Ang pagsaling-awit, ayon kay Coroza, ay isang paraan ng "pag-aangkop sa ating kultura ng ano mang teksto na isinasalin."
Para sa makata, isa ring balintunang proseso ang pagsaling-awit.
"Sa pagsisikap na mailipat sa ibang wika ang isang teksto, nakalilikha ng bagong teksto na, bagaman inihawig sa nauna, ay mayhayag na pagkakaiba, kaya't ibang teksto na talaga," ani Coroza sa kanyang papel ukol sa pagsaling-awit.
Umabot na sa 800 views at 162 reactions ang post ni Coroza sa Facebook. Ayon kay Dr Antonio Africa, dean ng University of Santo Tomas Conservatory of Music, "nagkaroon ng bagong dimension ang awit dahil sa" pagsaling-awit.
"Iba talaga ang hugot ng wikang Filipino," dagdag ni Africa.
Pakinggan ang salin ni Coroza:
{source}<iframe width="100%" height="315" src="https://www.youtube.com/embed/nGYQRyaTzaw?rel=0" frameborder="0" gesture="media" allow="encrypted-media" allowfullscreen></iframe>{/source}
Sabayan na rin natin:
PASKO SA ATING PUSO
(Saling-awit ni Michael M. Coroza)
Pag may batang nagtitinda
ng parol sa lansangan,
ang naaalala'y
ang sanggol sa sabsaban.
Kapag may bumabati
sa kapwa't nag-aalay,
ang Pasko sa puso'y
naghaharing tunay.
Iláwan ang parol
sa payapang búkas
nang sa D’yos ang lahat
magkaisang ganap.
Tayo'y magsiawit
ng "Maligayang Pasko"
At kailanman ay h'wag iwaglit
ang pag-ibig kay Kristo;
S'ya ang gagabay sa atin
sa hangáring magbago
at sa puso ay maghari
ang diwa ng Pasko.
Sa panalangin at awit
ang baya’y nabubuklod,
ipinagdiriwang
ang pagsilang ni Jesus.
Nawa ang liwanag
noong unang Pasko,
sa sabsaban ni Kristo
ay ihatid tayo.
Halina’t magdiwang,
ang lahat ay mag-awitan,
sa iisang tinig
purihin ang Maykapal!
Tayo'y magsiawit
ng "Maligayang Pasko"
At kailanman ay h'wag iwaglit
ang pag-ibig kay Kristo;
S'ya ang gagabay sa atin
sa hangáring magbago
at sa puso ay maghari
ang diwa ng Pasko.
– Rappler.com